
NI NOEL ABUEL
May hamon si Senador Christopher “Bong” Go na sinumang mauupong bagong Senate President na ipagpapatuloy ang magagandang programa at inisyatiba ng administrasyong Duterte sa pamamagitan ng pagpasa sa prayoridad para sa kapakanan ng mga naghihirap na Filipino sa gitna pa rin ng pandemya.
“Sabi ko nga, makakapagpatuloy ng magagandang programa, ‘yung uunahin ang kapakanan ng mahihirap. Mga programang makakatulong na maiahon ang ating bayan mula sa pandemyang COVID-19 and, of course, s’ya po yung leadership by example,” ani Go.
Sinabi pa nito na makakaasa ang sinumang uupong lider ng Senado susuportahan nito basta’t iginagalang ng taumbayan at may respeto sa Senado.
“‘Yung rerespetuhin po natin. Makakapagbigay po ng respeto sa amin sa Upper Chamber,” ayon pa dito.
Sinabi pa ni Go na makasisiguro ang taumbayan na sakaling mabuo ang supermajority sa Senado ay mananatili pa rin aniya itong independent.
“Ako naman po ay miyembro ng majority but rest assured po, isang boto lang naman po ako, isang boses lang naman po ako out of the 24 senators d’yan sa Senado. Pero rest assured po na bagama’t tahimik lang po akong magtatrabaho, ‘quietly working’ senator po ako. Pero uunahin ko pa rin po ang interes at kapakanan ng bawat Pilipino,” paliwanag ng senador.
Sinabi pa ni Go, na may ilang kapwa nito senador ang humingi na ng suporta nito subalit wala pa aniyang desisyon na nabubuo hanggang sa pagbubukas ng Senado.
“Normal naman po ‘yung nag-uusap po ang bawat miyembro, ‘yung present members po ng 18th Congress na hindi pa natatapos ang termino, katulad namin, kami nasa second half na ng aming term,” sabi ni Go.
“Tapos ang mga bagong halal, nag-uusap rin. Pero wala pa pong pinal na desisyon. Antayin na lang po natin ang pagbubukas on 4th Monday po ng July,” dagdag pa nito.
Nang usisain kung nais pa rin nitong pamunuan ang Senate Health Committee, sinabi ni Go na handa itong tanggapin ang anumang posisyon basta para sa taumbayan.
“Sabi ko, kung saan po ako makakatulong sa mga kababayan natin lalung-lalo na sa mga mahihirap, I’m willing to accept the challenge po,” ayon sa senador.
“Rerespetuhin ko po ‘yung desisyon ng majority. Magtatrabaho lang po ako. Tahimik, tahimik d’yan sa gilid. Magta-trabaho po para sa kapakanan at interes ng bawat Pilipino,” dagdag nito.
