
Ni NOEL ABUEL
Dapat na palitan ng epektibo at episyente sa trabaho ang pagbibigay serbisyo ng mga empleyado ng pamahalaan sa taumbayan kasunod ng nilagdaang Republic Act No. 11701 o pagbibigay ng night differential pay sa mga ito.
Ito ang pahayag ni Senador Christopher “Bong” Go kung saan ang night differential pay ay ipagkakaloob sa mga government employees kabilang ang mga nasa government-owned or -controlled corporations (GOCCs) na nagtatrabaho sa pagitan ng alas-6:00 ng gabi hanggang alas-6:00 ng umaga.
Sa ilalim ng nasabing batas, ang mga government employees na may posisyon na division chief pababa kahit permanente, contractual, temporary o casual, ay pagkakalooban ng night differential pay na hindi lalagpas sa 20 porsiyento ng kanilang basic hourly rate.
“Sa pagpasa ng batas na ito, inaasahan natin na magiging effective and efficient ang pagbibigay ng serbisyo sa ating mga kababayan,” ayon pa kay Go.
“Kami naman po sa gobyerno ay talagang wala pong pahinga sa paglilingkod sa bayan. Kaya naman nagpapasalamat ako kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pagsasatupad nito,” dagdag nito.
Samantala, ang mga government employees na papasok ng alas-6:00 ng umaga hanggang alas- 6:00 ng gabi ay hindi sakop ng batas, at sa halip ay babayaran ang mga ito ng overtime pay kung lalagpas ng oras sa kanilang regular work schedule.
Gayundin, ang mga government employees na ang serbisyo ay kinakailangang on-call 24 hours kada araw tulad ng uniformed personnel ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), at Bureau of Fire Protection (BFP), ay hindi rin sakop ng nasabing batas.
“Ito po’y pagkilala natin sa mga sakripisyo ng ating mga kawani ng gobyerno para sa bayan. Alam ninyo, napakahirap po lalung-lalo na po ‘yung mga health workers natin sa panahon ng pandemya. Bigyan po natin what is due to them. At kung ano po ‘yung pwedeng ibigay sa kanila na pondo po ng gobyerno, ibigay po natin sa kanila,” paliwanag pa ni Go.
