
Ni NOEL ABUEL
Iginiit ni Senador Christopher “Bong” Go na unahin ng mga bago at nagbabalik na mga senador ang kapakanan at interes ng taumbayan kahit nagbabanggaan ang mga ito kung magiging miyembro ng mayorya o minorya sa Senado.
Sinabi pa ng senador na hindi nito alintana kung saan grupo mapunta basta ang mahalaga ay matulungan ang mga Filipino.
“Maging majority, maging minority ka, ako naman po iisa lang po ang aking interes at iisa lang po ang aking amo. Ang amo ko po iyong mga taumbayan, mga Pilipino. Interes ng Pilipino, interes ng kababayan natin ang ipaglalaban ko,” sabi ni Go.
“Kahit saang grupo po ako mapunta, o kahit mag-isa lang po ako ipaglalaban ko po lalung-lalo na po ‘yung mga mahihirap po – ‘yung mga walang matakbuhan na mga kababayan natin,” dagdag nito.
Iginagalang din aniya nito ang kredibilidad ng Senado sa kabila nang ilan sa mga senador sa susunod na KOngreso ay magkakamag-anak dahil sa pinili naman ito ng taumbayan.
“Eh ‘yan naman po ang pinili ng taumbayan, wala po tayong magagawa doon. Eh ‘yun po ang demokrasya. Nandidiyan na po ‘yung resulta at mga dati naman pong senador ‘yung iba sa kanila. And I’m sure very competent naman po sila,” paliwanag ni Go.
“Kaya nga po pinili ng mga tao at pinili ng majority ibig sabihin pinagkakatiwalaan. So ‘yun po ang pinili ng taumbayan we have to respect it,” sabi pa nito.
