Devanadera karapat-dapat maging Energy secretary–Imee Marcos

Ni NOEL ABUEL

Suportado ni Senador Imee Marcos si Energy Regulatory Commission (ERC) chairman Agnes Devanadera na tanggalin na ang value-added tax (VAT) sa power generation at imantine lang para sa power distribution.

Ayon kay Marcos, ang malinaw aniyang solusyon para mapababa ang gastusin sa kuryente ay sobrang tagal nang kinakailangan.

“Sinasalamin nito ang isa sa mga panukala ng Senate Bill 219, na inihain ko sa unang buwan ko bilang senador noong July 2019, para hindi masaklaw ng VAT ang benta sa kuryente, pati na rin ang importasyon ng mga makina at equipment na direktang gamit sa power generation, transmission, at distribusyon ng elektrisidad,” sabi nito.

Aniya, hindi lang mga gumagamit ng kuryente sa bahay o pang-komersyal ang makikinabang sa pagtanggal ng VAT.

Makakahikayat din umano ito sa mga dayuhang investor na nag-aatubiling mamuhunan sa Pilipinas dahil sa mataas na singil sa kuryente sa bansa, na maituturing na pinakamataas sa Asya.

“Kailangan nating mapagaan ang hindi maiiwasang pagtaas ng gastos sa power generation na nakadepende o umaasa sa langis at gas, sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga ito at kakulangan sa supply sa buong mundo dahil sa giyera ng Russia at Ukraine,” sabi ng senador.

“Dapat seryosong ikonsidera ng kasalukuyang gobyerno at ni presumptive president-elect Ferdinand Marcos Jr. si ERC chairman Agnes Devanadera bilang susunod na pinuno ng Department of Energy,” dagdag pa nito.

Leave a comment