Batangas nilindol: Tsunami alert pinawi ng Phivolcs

NI RHENZ SALONGA

Pinawi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang pangamba ng publiko na magkaroon ng tsunami sa mga baybaying dagat ng bansa matapos ang naitalang magnitude 6.1 na lindol nitong alas-5:50 ng umaga ang lalawigan ng Batangas.

Sa inilabas na advisory ng Phivolcs, walang naitalang tsunami threat sa Pilipinas kung kaya’t makaasa na magiging normal ang galaw ng karagatan.

Naitala ang epicenter ng naturang lindol ay namataan sa offshore na bahagi ng Calatagan, Batangas sa layong 13.94 hilaga at 120.47 silangan at may lalim na 132 kilometro.

 Naitala naman ng kagawaran ang mga naramdamang intensity sa ilang panig ng bansa:

Intensity IV – Puerto Galera, Oriental Mindoro

Intensity III – Calapan City, Oriental Mindoro; Malolos City, Bulacan; Quezon City

Intensity II – Marikina City

Samantala, sa kasalukuyan ay nangangalap pa rin ng datos ang PHIVOLCS hinggil sa mga ulat ng pinsala na dulot ng nangyaring pagyanig sa mga apektadong lugar.

Nagbabala naman ang kagawaran sa publiko sa mga aftershock na posible pang maramdaman ngunit nilinaw na hindi naman ito magdudulot ng tsunami sa bansa.

Leave a comment