COA sinita ang Pampanga gov’t sa paggastos ng P200M sa manok at hotdogs

Kakarampot na P55M lang sa infra

NI NOEL ABUEL

Pinuna ng Commission on Audit (COA) ang provincial government ng Pampanga kaugnay ng malaking pondong ginastos sa manok at hotdogs habang katiting na pondo lamang sa infrastructure projects.

 Ayon sa state auditors, kinuwestiyon nito kung bakit naglaan ang provincial government ng Pampanga ng P200 milyon para sa manok at hotdogs na ipinamigay sa mga kababayan nito habang P55 milyon lamang sa inprasktraktura.

Nadiskubre ng mga auditors na bawat piso na ginastos sa public works projects noong nakaraang taon, katumbas ito ng apat na jumbo hotdogs at frozen na manok.

Natukoy ng state auditors na bumili ang provincial government ng 500,000 one-kilogram packs ng frozen jumbo hotdogs mula sa Mekeni Food Corporation na nagkakahalaga ng P70.75 milyon at 500,000 packs ng frozen whole chicken mula sa MOR Enterprises sa halagang P129.25 milyon.

Base sa apat na tseke na isinumite sa audit team, Disyembre 2021 nang isagawa ang pagbabayad.

Ayon sa ulat, ang mga manok at hotdogs ay libreng ipinamahagi umano sa iba’t ibang sectoral groups sa ilalim ng Needy Kapampangan Program.

Base rin sa audit records, naglabas ang provincial government ng P577.87 milyon para sa Needy Kapampangan Program sa loob ng limang taon ngunit hindi malinaw kung ang nasabing pondo ay ginastos sa pagbili ng hotdogs at manok.

Ipinakikita sa breakdown na P57.33M ang ginastos noong 2017, P87.745M noong 2018, P77.56M noong 2019, P155.23M noong 2020, at P200M noong 2021.

Sa nasabi ring limang taon, tinukoy ng state auditors na nag-implementa ang provincial government ng 54 infrastructure projects sa kabuuang P370.89 milyon kung saan P55.115 milyon ang nabayaran noong 2021.

“Thus, expenses incurred in CY 2021 for the Needy Kapampangan Program were 262.88 percent higher than expenditures incurred for infrastructure projects in the same year,” ayon sa COA.

“Also, the total amount spent for the Needy Kapampangan Program reached over half a billion pesos for the past five years. This amount could have been programmed for tangible projects that would alleviate the lives of its targeted beneficiaries,” dagdag pa nito.

Kinuwestiyon din ng COA ang kawalan ng sapat na patunay na ang biniling manok at hotdogs ay napunta sa mga mahihirap na pamilya dahil na rin sa kabiguang makapagpakita o magsumite ng listahan ng mga benepisyaryo.

 “Audit showed that the program was not sufficiently documented to prove validity and propriety of claims. There was no distribution list submitted to account for the total goods delivered. This may result in poor monitoring and the possibility that not all targeted beneficiaries gained from the program,” babala pa ng COA.

Pinayuhan ng komisyon ang provincial government na mag-invest sa iba pang programa at proyekto na may matagalang benepisyo sa publiko kung ikukumpara sa pagbibigay ng tulong sa loob ng isang beses isang taon.

“We find it more appropriate if budget for other areas such as education, infrastructures, and health be given priority as well. Also, programs that will increase and promote job opportunities and livelihood program could also be facilitated to help those affected by various lay-offs during the Covid-19 pandemic,” ayon pa sa COA.

Tinukoy pa ng COA na ang pamamahagi ng manok at hotdog ay hindi nakakatulong sa mga middle income taxpayers na patuloy na bumabangon sa epekto ng pandemya.

Samantala, tinuring naman ng provincial management na ang rekomendasyon ng COA ay naaayon partikular ang paggamit ng pondo sa mas kongkretong programa at proyekto.

Leave a comment