Gatchalian sa bagong DepEd admin: Tutukang ayusin ang K-12

Senador Win Gatchalian

NI NOEL ABUEL

Dapat tutukan ng Department of Education (DepEd) sa ilalim ng bagong administrasyon ang pagpapaigting sa kakayahan ng mga mag-aaral, pagtaguyod sa kapakanan ng mga guro, at pag-ayos sa sistemang K-12.

Ito ang iginiit ni Senador Win Gatchalian base na rin sa naging resulta noong 2018 Programme for International Student Assessment o PISA kung saan Pilipinas ang nakakuha ng pinakamababang marka pagdating sa Reading o pagbasa sa 79 bansa.

Maliban dito, ang Pilipinas din aniya ang pangalawang pinakamababa pagdating sa Science at Mathematics.

Batay naman sa 2019 Trends in International Mathematics and Science Study (TIMSS), Pilipinas din ang may pinakamababang marka sa Math at Science sa 58 bansa.

Bago tumama ang pandemya, nagbabala na ang mga eksperto na masyadong masikip o congested ang K-12 curriculum. Dahil masyadong maraming competencies na kailangang matutunan ang mga mag-aaral, nahihirapan silang matutunan ang mga basic skills.

Dagdag pa ni Gatchalian, hindi kuntento ang mga Pilipino sa programang K-12.

Ayon sa isang survey ng Pulse Asia noong December 2019, 38 porsyento ang kuntento sa programang K-12, samantalang halos 47 porsyento ang hindi kuntento sa programa.

Sa mga hindi kuntento sa programang K-12, 78 porsyento ang nagsabing dagdag na gastos ang dulot ng programa pagdating sa edukasyon, transportasyon, at pagkain.

“Hindi na tayo maaaring bumalik sa business as usual kung nais nating tutukan ang krisis sa ating sektor ng edukasyon. Dapat nating ayusin ang programa ng K-12 at tiyaking natututo nang husto ang mga mag-aaral,” ani Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

At pagdating naman umano sa pagtaguyod ng kapakanan ng mga guro, dapat ding prayoridad ang pagtaas ng sweldo ng Teacher I mula Salary Grade 12 (P25,439) tungo sa Salary Grade 13 (P29,798) o Salary Grade 14 (PP32,321).

Pagdating naman sa pagtaas ng kalidad ng edukasyon at training ng mga guro, kinakailangang tiyakin ang maayos na pagpapatupad ng Excellence in Teacher Education (Republic Act No. 11713).

Dagdag pa ni Gatchalian, kabilang din sa mga dapat iprayoridad ng DepEd ang mas maigting na pakikilahok ng mga lokal na pamahalaan pagdating sa edukasyon.

Leave a comment