

NI NERIO AGUAS
Naaresto na ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang mag-asawang South Korean na wanted sa bansa nito at matagal nang nagtatago sa Pilipinas.
Kinilala ni BI Commissioner Jaime Morente ang mga naarestong dayuhan na sina Seol Kwangsu, 33-anyos at Han Haneul, 26, na nadakip sa Las Piñas City ng mga tauhan ng bureau’s fugitive search unit (FSU).
Sinabi ni Morente na agad na ipatatapon pabalik ng South Korea ang nasabing mga dayuhan dahil sa pagiging undesirable at undocumented aliens maliban pa sa kinansela na ng Korean government ang pasaporte ng mga ito.
Nabatid na nag-isyu si Morente ng mission orders para sa ikadarakip ng mag-asawang Sokor matapos na humingi ng tulong ang South Korean authorities sa Manila dahil sa matagal nang wanted kaugnay ng kasong fraudulent investment scheme.
Ayon naman kay BI-FSU chief Rendel Ryan Sy, si Seol ay may arrest warrant na inilabas ng Seobu district court sa Seoul habang may hiwalay ring warrant laban kay Han na inilabas ng Daejeon district court.
Sa record, si Seol ang nagsisilbing caller sa voice-phishing syndicate na nagkukunwang lenders ng mga financial institutions, at niloloko ang mga biktima nito hanggang sa makatangay ng 261 million won.
Samantalang si Han, wanted ay pagtangay ng mahigit sa 80 million won sa limang biktima nitong kababayan.
Natukoy sa record ng BI kapwa overstaying aliens na ang mga ito kung saan si Seol ay dumating sa bansa noong Abril 20, 2013 habang si Han ay dumating noong Agosto 1, 2019.
Kasalukuyang nakadetine sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City ang nasabing mga dayuhan habang inihahanda ang pagpapatapon pabalik sa kanilang bansa.
