400 NAIA personnel binalasa ng BI

Ni NERIO AGUAS

Nagsagawa ng balasahan ang Bureau of Immigration (BI) sa 400 tauhan nito na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bilang bahagi ng kampanya laban sa katiwalian.

Sinabi ni BI port operations division chief Atty. Carlos Capulong na ang 398 immigration officers na nagsasagawa ng primary inspection duties sa NAIA ang higit na naapektuhan ng balasahan.

Aniya, ito na ang ikalawang pagkakataon na nagsagawa ng rigodon sa BI-NAIA personnel ngayong taon kung saan Marso ng kasalukuyang taon nang isagawa ang pagpapalit ng tauhan.

Paliwanag ni Capulong, layunin ng hakbang na maiwasan ang fraternization sa mga airport personnel ng BI upang mapigilan ang kurapsyon at katiwalian.

Idinagdag pa ni Capulong na bukod sa mga opisyal ng BI na namamahala sa mga immigration counter ng NAIA, nagpapatupad din ng araw-araw na reshuffle sa mga terminal assignment ng mahigit sa 80 immigration supervisors.

Samantala, sinabi ni BI Commissioner Jaime Morente na sisimulan nang sanayin ng BI ang 195 bagong immigration officers sa BI Academy sa Clark, Pampanga.

Paliwanag ni Morente, ang pagkuha ng serbisyo ng nasabing mga bagong empleyado ay nilagdaan ni Justice Secretary Menardo Guevarra.

“We expect these new officers to assume their duties this September and their deployment will definitely solve our perennial problem of lack of manpower in our airports,” sabi ni Morente.

Leave a comment