
NI NERIO AGUAS
Inaprubahan na ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board V ang Wage Order No. RBV-20 na nagkakaloob ng P55 wage increase sa mga manggagawa sa Bicol region.
Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang nasabing dagdag sahod ay hahatiin sa dalawang bahagi kung saan ang P35 ay ibibigay sa oras na maging epektibo ang wage order habang ang P20 ay ipagkakaloob sa Disyembre 1, 2022 at ang magiging bagong minimum wage rate sa Bicol region ay magiging P365 sa lahat ng sektor.
Sinasabing ang huling wage order sa nasabing rehiyon ay nangyari noong Setyembre 2018 pa.
Gayundin, inilabas din ng Wage Order No. RBV-DW-02 na nagbibigay ng buwanang pagtaas ng P1,000 para sa mga chartered na lungsod at first-class na munisipyo at P1,500 para sa iba pang munisipalidad kung saan ang bagong buwanang sahod para sa mga domestic worker sa rehiyon ay magiging P4,000.
Inaasahang mapoprotektahan ng bagong Wage Order ang humigit-kumulang 94,042 na kasambahay. Ang nakaraang Wage Order para sa mga domestic worker ay nagkabisa noong Hunyo 2, 2017.
Ang Lupon, na binubuo ng mga kinatawan mula sa sektor ng gobyerno, ng management, at labor sector ay nagsagawa ng mga pampublikong pagdinig noong Abril 26, 2022 sa Naga City, Camarines Sur at noong Abril 28, 2022 naman sa Legazpi City, Albay.
Ang bagong Wage Orders ay isusumite sa Komisyon para sa pagsusuri at magkakabisa labinlimang (15) araw pagkatapos mailathala sa isang pahayagan na may pangkalahatang sirkulasyon.
