
Ni NOEL ABUEL
Pinaalalahanan ni Senador Christopher “Bong” Go ang Department of Health (DOH) na madaliin ang pagpapalabas ng benepisyo ng mga healthcare workers (HCWs).
Ayon kay Go, chairman ng Senate Committee on Health and Demography, kailangang kumilos ng DOH at ng Executive branch upang maayos na maimplementa ang nasabing batas para sa mga frontlines habang patuloy na nilalabanan ang pandemya.
Sa isang pahayag na inilabas ng DOH noong Mayo 19, tiniyak ng ahensya na nagsusumikap ito upang mapabilis ang pagpapalabas ng COVID-19 sickness at death compensation na nagkakahalaga ng P1 bilyon para sa mga kwalipikadong HCW at support staff.
“Nagpapasalamat po ako sa Department of Health sa mabilisang pagtugon sa pangangailangan ng ating healthcare workers. Dapat lang po talaga na aksyunan agad ng gobyerno ang nararapat para sa kanila lalo na’t nakasaad ito sa batas,” sabi ni Go.
“As much as possible, kung kakayanin naman ng pondo, dapat ibigay natin ang lahat ng suportang pwede nating ibigay. Hindi masusuklian ang hirap at sakripisyo nila upang makapagligtas ng buhay,” dagdag pa nito.
Noong Abril 27, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11712 na nagbibigay ng patuloy na benepisyo at allowance sa mga pampubliko at pribadong HCW, anuman ang katayuan sa trabaho, sa panahon ng pandemya ng COVID-19 at iba pang mga public health emergencies.
Sa ilalim ng batas, ang bawat frontliner ay makakatanggap ng COVID-19 allowance bawat buwan ng serbisyo mula Hulyo 2021.
“Republic Act No. 11712, which I was among those who authored and co-sponsored, covers all public and private medical, allied medical and other personnel who are assigned in hospitals, laboratories and medical or temporary treatment and monitoring facilities,” paliwanag pa ni Go.
“Sa ilalim ng batas na ito, mas maraming healthcare workers na ang makakatanggap ng allowance. Hindi na limitado sa mga directly exposed sa COVID-19 patients dahil sabi ko nga, lahat naman ng frontliners na naka-duty sa mga ospital ay maituturing na exposed sa banta ng COVID-19,” aniya pa.
“Kaya dapat masiguro na maimplementa ito ng maayos. Huwag na natin sayangin ang oras. Ibigay ang dapat ibigay na naaayon sa batas,” pagdidiin pa nito.
Para sa mga HCW na nakatalaga sa low risk areas, tatanggap ito ng P3,000 habang P6,000 naman ang ibibigay sa mga under medium risk areas. Bukod dito, ang mga nagtatrabaho sa mga high risk na lugar ay pagkakalooban ng P9,000.
