
NI NOEL ABUEL
Inihain sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang ibigay ang titulong Order of National Artists sa namayapang si Susan Roces.
Sa inihaing House Resolution no. 2584 ni ACT-CIS party-list Rep. Jocelyn Pua Tulfo, nanawagan ito sa mga kapwa mambabatas na i-nominate ang beteranang aktres para makabilang sa mga tumanggap ng Order of National Artists.
“The deep sense of appreciation of the House of Representatives for the immense contribution of Susan Roces to Philippine arts and culture and the development of the entertainment industry,” ayon sa resolusyon.
Nakasaad din sa HR 2584 na si Susan Roces ay kinikilalang “Queen of Philippine Movies”, dahil sa nakagawa na ito ng mahigit sa 130 pelikula kasama ang kabiyak nitong sib“King of Philippine Movies” at National Artist Fernando Poe Jr.
Nakapaloob din sa resolusyon ang ilang parangal na natanggap ni Roces mula sa Film Academy of Motion Picture Arts and Sciences (FAMAS), kasama ang 1978 FAMAS Award for Best Actress para sa Maligno at sa 1979 FAMAS Award for Best Actress para sa Gumising ka… Maruja; ang 2017 FAMAS Lifetime Achievement Award; ang 2003 Film Academy of the Philippines Lifetime Achievement Award; at ang 2009 Cinema One Legend Award.
Tinukoy pa ni Tulfo ang mga nominasyon para sa best actress ni Susan Roces mula sa FAMAS .
Kabilang dito ang Ana-Roberta noong 1966; 1969 para sa To Susan with Love; 1971 para s Divina Gracia; 1973 para sa Bilangguang Puso; 1974 para sa Hanggang sa Kabila ng Daigdig: The Tony Maiquez Story; 1975 para sa Patayin Sa Sindak Si Barbara; 1987 para sa Nasaan Ka Nang Kailangan Kita; 1988 sa Paano Kung Wala Ka Na?; 1990 sa Ang Lahat Ng Ito Pati Na Ang Langit; at noong 1998 para sa Isinakdal Ko Ang Aking Ina.
