Ni NOEL ABUEL
Tuluyan nang tinapos ng Senado at ng Kamara ang pagbibilang nito ng boto para sa pagka-pangulo at pangalawang Pangulo ng Pilipinas.
Ito ay matapos na opisyal nang nag-conclude ang canvassing ng National Board of Canvassers.
Ito ay sa kabila ng hindi pa dumarating ang mga certificate of canvass (COCs) mula sa Buenos Aires, at sa Syria.
Nangunguna sa bilangan si Bongbong Marcos na nakakuha ng 31,629,783 votes o katumbas ng 58.77%.
Sumunod si Vice President Leni Robredo na nakakuha ng 15,035,773 votes o katumbas ng 27.94% at pumangatlo si Senador Manny Pacquiao na mayroong 3,633,113 votes o katumbas ng 6.81%.
Samantala, sa pagka-bise presidente naman, una si Mayor Sara Duterte na mayroong 32,208,417 votes o katumbas ng 61.53% habang 9,329,207 votes ang nakuha ni Senador Kiko Pangilinan.
Ito ang magiging laman ng joint report ng Senado at Kamara na gagamitin para sa proklamasyon nina Marcos at Duterte na inaasahan ngayong araw.
Sa ngayon, dumating na sa Batasang Pambansa Complex si President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa kanyang proklamasyon.
Kasama ni Marcos ang kanyang asawa na si Louise “Liza” Cacho Araneta–Marcos, at si dating first lady Imelda Marcos.
Dumating na rin si Duterte na sinalubong ni House Majority Leader at Leyte Rep. Martin Romuladez.
Nagpaunlak naman ng panayam sa mga mamamahayag si Senador Imee Marcos na pinasalamatan ang mga nagluklok kay BBM sa Palasyo.
Sinabi rin ng senadora na kinukonsidera pa ng presumptive president kung saan ito manunumpa kabilang na ang Quirino Grandstand kung saan din nanumpa ang kanilang ama na si dating pangulong Ferdinand Marcos Sr.
