

Ni NOEL ABUEL
PORMAL nang iprinoklama bilang ika-17 Pangulo ng bansa si President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Vice President-elect Sara Duterte ng Kamara at Senado para maging susunod na lider ng Pilipinas.
Binalot ng malakas na sigaw at palakpakan nang tawagin sina Duterte at Marcos para tanggapin ang kanilang sertipikasyon na patunay na ang mga ito ang nanalo bilang Pangulo at Pangalawang Pangulo sa darating na Hunyo 30 ng tanghali.
Una nito, magkahiwalay na bumoto ang mga senador at kongresista sa pagpapatibay at pagpapahayag ng panalo nina Marcos at Duterte kung saan wala nang tumutol na mga mambabatas.
Si Marcos, na tumakbo sa ilalim ng Partido Federal ng Pilipinas, ay nakakuha ng 31,629,783 boto sa official tally sa presidential race ng National Board of Canvassers (NBOC).
Samantalang si Duterte na tumakbo sa ilalim ng Hugpong ng Pagbabago (HNG), ay nanalo at nakakuha ng 32,208,417 boto para maging ika-15 Bise Presidente ng Pilipinas.
Nagtapos ang pag-canvass ng mga senador at kongresista sa loob ng lamang ng dalawang araw kung saan tinukoy ng mga ito na dahil sa automation ang bilangan ay madaling natapos ang pagbibilang ng boto.
Kasama ni Marcos na umakyat sa podium ng Kamara ang asawa nitong si Atty. Liza Araneta-Marcos, anak na si Simon, at si dating First Lady Imelda Marcos at Senador Imee Marcos.
Hindi naman nakita si Pangulong Rodrigo Duterte sa Kamara para saksihan ang proklamasyon ng anak nitong si Sara Duterte.
