P20M iginawad ng DOLE sa informal workers

Ni NERIO AGUAS

Natanggap na ng mahigit 800 na public utility vehicle (PUV) driver, solo parent, ambulant vendor, marginalized fisherfolk, person with disabilities, at iba pang manggagawa sa National Capital Region (NCR) ang P20 milyong tulong mula sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na ang tulong ng ahensya sa mga marginalized na manggagawa na naapektuhan ng pandemya noong Araw ng Paggawa para sa mga Manggagawa sa Impormal na Sektor.

Ang nabanggit na tulong ay bahagi ng pagsusumikap ng pamahalaan na muling makabangon ang ekonomiya, 

Tumanggap ang mga benepisyaryo ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP) ng bicycle units, electronic loading business, bigasan package, frozen goods, home care products, Nego-Kart (Negosyo sa Kariton), o bangka.  

Samantala, ang mga mga benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Program ay sumailalim sa emergency employment sa loob ng 10 araw at nakatanggap ng P5,370 ang bawat isa, bilang kanilang suweldo.

Binigyan-halaga ni Bello ang malaking kontribusyon sa ekonomiya ng mga manggagawa sa impormal na sektor at muling binanggit ang layunin ng kagawaran na palakasin ang kanilang kakayahan sa pamamagitan ng emergency employment o pagsusulong ng entrepreneurship at mga negosyo ng komunidad.

Binigyang diin din nito ang mga social amelioration program (SAP) ng administrasyong Duterte at ang kahalagahan ng whole-of-government approach upang tulungan ang marginalized sector na makabawi mula sa epekto ng pandemya.

Base sa March 2022 Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA), 36.2 porsyento o 17.016 milyon ng kabuuang bilang ng mga may trabaho ang maaaring ituring na mga manggagawa sa impormal na sektor

Ayon sa PSA, ang impormal na sektor ay binubuo ng mga “yunit” ng nakikibahagi sa produksiyon ng mga kalakal at serbisyo na ang pangunahing layunin ay makalikha ng trabaho at kabuhayan. Ang mga yunit na ito ay karaniwang pinatatakbo ng mababang antas ng organisasyon, na may kaunti o walang dibisyon sa pagitan ng paggawa at kapital, bilang mga dahilan ng produksyon.

Leave a comment