
Ni NOEL ABUEL
Nanawagan si ACT-CIS Party-list Rep. Rowena Niña Taduran sa Senado ng Pilipinas na ipasa na ang panukalang batas na Media Workers’ Welfare Act na napakahalaga para sa proteksyon at seguridad ng lahat ng manggagawa sa industriya ng pamamahayag.
Iginiit ni Taduran, House Asst. Majority Leader, matagal nang dapat naisabatas ang panukala para sa mga manggagawa sa pamamahayag lalo na at dumami pa ang naabuso at hindi protektado lalo na sa panahon ng pandemya ng COVID-19.
“Maraming mga manggagawa sa media ang kapit sa patalim sa panahon ng pandemya. May mga employers na nagtanggal sa kanila sa trabaho o ibinaba ang mga suweldo, gamit ang pandemya bilang dahilan. May mga nagtatrabahong walang kontrata at benepisyo dahil walang batas na nagpoprotekta sa kanila,” sabi pa ni Taduran.
Sinabi pa ng mambabatas na ipinagpatuloy ng mga manggagawa sa pamamahayag ang kanilang mga trabaho sa kasagsagan ng pandemya at sa panahon ng eleksyon nang walang sapat na proteksyon.
“The government, through the Presidential Task Force on Media Security, has been extending support to media workers, especially in following up cases of violence against media workers. But this is not enough as media workers need more protection as they perform their duties. Wala man lang silang insurance para protektahan ang kanilang buhay at kalusugan,” paliwanag pa ni Taduran.
Nabatid na ang House Bill 8140 na inisponsoran ni Taduran ay pumasa sa Mababang Kapulungan ng Kongreso habang nakaabot na sa ikalawang pagbasa sa Senado (Senate Bill 1820), sa bersyong inisponsoran ni Senate President Vicente Sotto III.
Sa nalalabing ilang araw sa ika-18 Kongreso, nakiusap si Taduran sa Mataas na Kapulungan na agad nang ipasa ang panukalang batas.
“Huwag naman nating kalimutan ang Fourth Estate – ang patuloy na naghahatid ng mga balita kahit nasa harap ng panganib. Respetuhin at kalingain natin ang mga nagtatrabaho sa pamamahayag. Nakikiusap ako sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso na huwag nilang talikuran ang mga mamamahayag na napakalaki ng naitutulong sa pagbibigay ng impormasyon. Ipasa na nila ang Media Workers’ Welfare Bill upang malagdaan na ng Pangulo at maging ganap nang batas,” ayon pa kay Taduran.
Sa ilalim ng panukalang batas, lahat ng manggagawa sa media ay bibigyan ng suweldong naaayon sa batas, magkakaroon ng seguridad sa pananatili sa trabaho, mabibigyan ng P500 hazard pay sa bawat araw na nagtatrabaho sa isang mapanganib na lugar at overtime pay, at insurance at iba pang benepisyo.
Ang mga employer ay kailangan nang magbigay ng dagdag na insurance sa mga manggagawa sa pamamahayag, bukod sa Social Security System, PAG-IBIG at Philhealth. Kailangan ng mga itong bumili ng insurance para sa kanilang empleyado na may death benefit o disability benefit na nagkakahalaga ng PHP 200, 000, at medical insurance benefit na PHP 100, 000.
Ang mga may-ari rin ng media entities ang sasagot sa anumang mga ilalabas sa pamamahayag ng manggagawa.
