
Ni NOEL ABUEL
Kasunod ng ulat na patuloy ang pagtaas ng kaso ng monkeypox sa 12 bansa, iginiit ni Senador Christopher “Bong” Go na dapat na magpatupad ng mahigpit na disease surveillance at border control sa mga paliparan at pantalan sa buong bansa.
“I think nandidiyan naman po ‘yung symptoms monitoring sa ngayon. Ang ating DOH so far wala pa naman pong naiuulat na nakapasok dito… dahil mula po ‘yun sa Europe, sa ibang bansa (tulad) sa UK. So importante po dito is ‘yung surveillance at border control po,” sabi ni Go.
“Siliping mabuti sa airport, sa lahat po ng entry ports natin, bantayan natin at huwag kumalat dahil kahit papaano hindi pa tayo tapos dito sa COVID-19 pandemic,” dagdag nito.
Apela pa ni Go sa Department of Health (DOH), siguruhin na namomonitor nito ang mga kaso ng monkeypox sa bansa at makipagtulungan sa iba pang ahensya ng pamahalaan.
“Sa ngayon, sa naiuulat po ng DOH, binabantayan nila ng mabuti at inaantay lang po ng Pangulo ‘yung rekomendasyon ng ating health officials kung kakailanganin bang isara, at kung gaano kadelikado itong monkeypox na ito,” sabi pa ng senador.
Sa kasalukuyan base sa mga ulat, nakapagtala ng monkeypox outbreaks sa mga European countries, sa Estados Unidos, Australia at Canada.
Ayon naman sa World Health Organization (WHO) ang monkeypox ay isang rare illness dulot ng monkeypox virus mula sa Orthopoxvirus genus ng Poxviridae. “Kaya huwag ho tayong maging kumpiyansa dahil panibagong sakit na rin po ito, bantayan po nating maigi,” panawagan pa ni Go.
