
NI NOEL ABUEL
Hinikayat ni Senator-elect Alan Peter Cayetano ang mga labor groups sa buong bansa na makiisa sa pagsusulong ng loan program para sa micro, small, and medium enterprises (MSMEs) upang makatulong sa pagbuhay sa ekonomiya ng bansa.
“Sa lahat ng ating mga manggagawa, huwag po kayong mag-alinlangan na ipahayag ang inyong mga proposal sa ating gobyerno,” sabi ni Cayetano, na isinusulong ang loan program para sa mga MSMEs sa Kongreso bago pa magsimula ang pandemya.
Ito ay matapos na maglabas ng pahayag ng Federation of Free Workers (FFW) na nagsusulong ng P100-billion subsidy loan program para sa MSMEs upang makatulong sa ekonomiya ng bansa.
Sinabi pa ng nasabing labor group na bagama’t may ipinatupad na wage hike ang Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBs) sa iba’t ibang bahagi ng bansa ay hindi pa rin umano ito nakakatulong para tumaas ang ekonomiya ng Pilipinas.
“Kapag sa mismong stakeholders nanggagaling ang panawagan, mas nare-realize ng gobyerno ang magnitude ng magiging positive effect ng proposal. That’s how we can reactivate the hope for the recovery of our economy,” sabi ni Cayetano.
Aniya, simula nang maipasa ang Bayanihan 2 sa ilalim ng kanyang pamumuno sa Kamara noong House Speaker pa ito, ay nanawagan ang senador ng low-interest loan program para sa MSMEs na babayaran sa loob ng 10-taon na may palugit ng isang taon at itatampok ang 60 porsiyento ng kontribusyon ng MSMEs sa job generation sa bansa.
“Paano babalik ang sigla ng ekonomiya kung nakakalabas na nga ang mga tao pero sarado pa rin ‘yung mga tindahan na karaniwang binibilhan? Or bukas nga pero halos walang maitinda kasi sobrang liit ng puhunan or wala nang puhunan?” sabi ng senator-elect.
Binanggit din nito na ang utang ay dapat na madaling makuha ng lahat ng MSMEs para sa programa na makatulong sa ekonomiya sa buong bansa.
“Ang mayaman, ang daming source ng puhunan. Pero kapag ‘yan ay micro at small scale, halos walang bangko ‘yan. ‘Yung medium scale may konting bangko pero may limit. Five-six talaga ang tinatakbuhan, which is not sustainable,” dagdag pa nito.
Muli rin iginiit ni Cayetano ang panukala nito sa mga ahensya ng pamahalaan na gumawa ng mobile apps na magagamit ng taumbayan para mapadali ang pagkuha ng state assistance nang hindi na kinakailangan pang pumila at gumamit pa ng mga “padrinos” o konesksyon.
“We’ve done this loan program sa Bayanihan 2 but sadly, more than half ay hindi na-disburse dahil hesitant ‘yung businesses, tapos maraming applicants ang natagalan masyado kaya nag-cancel na lang,” sabi pa nito.
“Pero kung may app ka, isang tingin mo lang alam mo na kung qualified ka for the loan program at kapag kumpleto naman ang requirements mo, i-send mo lang and then through GCash or through a QR code sa phone mo e matatanggap mo na,” dagdag pa ng nagbabalik na senador sa Senado.
