
NI NERIO AGUAS
Bumagsak sa kamay ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang South Korean national na wanted sa bansa nito dahil sa pagkakasangkot sa electronic financial fraud.
Kinilala ni Immigration Commissioner Jaime Morente ang nadakip na dayuhan na si Je Hyun Woo, 52-anyos, sa Gen. Trias, Cavite ng mga tauhan ng fugitive search unit (FSU).
Sinabi ni Morente na si Je ay nakatakda nang ipatapon pabalik ng South Korea matapos magpalabas ng kautusan ang BI board of commissioners noong pang 2019.
“He has also been included in our immigration blacklist, thus he is perpetually banned from reentering the country for being an undesirable alien,” sabi ni Morente.
Sinabi naman ni BI-FSU chief Rendel Ryan Sy, na natuklasan din na overstaying na ang nasabing dayuhan kung saan taong 2018 pa nang dumating ito sa Pilipinas at kinansela na rin ng South Korean government ang pasaporte nito.
Base sa impormasyon na nanggaling sa national central bureau ng Interpol sa Manila, si Je ay may outstanding arrest warrant na inilabas ng central district court sa Seoul noong Nobyembre 1, 2018.
Si Je ay miyembro ng sindikato na nambibiktima sa pamamagitan ng pagbubukas ng bank accounts at debit cards sa ilalim ng pangalan ng ilang paper companies kung saan ipinapasa ito sa third parties para magamit sa paggawa ng illegal na aktibidad.
Ayon sa Korean authorities, mahigit sa 1,070 kaso ang naitala sa nasabing illegal na gawain.
Kasalukuyang nakadetine ang nasabing dayuhan sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang inihahanda ang pagpapatapon dito pabalik ng South Korea.
