Ni NOEL ABUEL
Isang buwan pa bago sumapit ang pagpapalit ng administrasyon ay tila napapabayaan na ng ilang lokal na pamahalaan ang kanilang tungkulin na ayusin ang kanilang nasasakupan.
Halimbawa na lamang itong lokal na pamahalaan ng Maynila, na mistulang hindi na inaasikaso ni Mayor Isko Moreno ang gawain nito na atasan ang mga tauhan na kumilos at ayusin ang sitwasyon sa lungsod.
Sa araw-araw na pagdaan natin diyan sa harap ng City Hall ng Maynila ay lagi na lamang nagsisikip ang daloy ng trapiko kahit anong oras pa pababa sa Lagusnilad. Ang dahilan….sira-sira, lubak-lubak at butas-butas na kalsada.
Dahil nga sa sira-sirang kalsada, nagdadahan-dahan ang mga sasakyang dumadaan dito dahilan upang ang mga sasakyang nasa likod ay naiipon hanggang sa mapuno ng mga sasakyan ang harap ng Manila City Hall.
Matagal nang nakatiwangwang ang nasabing sira-sirang kalsada sa ilalim ng Lagusnilad at tila hindi ito pinapansin ang lokal na pamahalaan kung kaya’t nagtitiis ang maraming motorista sa masamang sitwasyon kahit batid naman natin na makakasira ito ng sasakyan.
Maliban dito, nakakapanghinayang ang mga underpass patungo sa city hall at sa mga eskuwelahan sa Intramuros dahil dugyot na at binabaha kahit hindi umuulan ang ilalim nito maliban pa sa marumi na rin at di pa rin nawawala ang mga tambay diyan sa pag-akyat sa hagdan.
Ayaw nating isipin na dahil talunan sa pagka-Pangulo nitong nakaraang May 9 elections at nalalapit na ring mawala sa posisyon si Mayor Isko Moreno ay ayaw na nitong gawin ang trabaho nito.
Batid naman ng mga traffic enforcers ng Manila ang nangyayari sa Lagusnilad kung kaya’t nagkakaroon ng pagsisikip ng trapiko sa harap ng city hall.
Maliban pa diyan ay kung madadaan ka sa harap ng city hall ay mararamdaman mo na hindi pantay ang kalsada dahil sa may mga uka ang kalsada na matagal nang nakatiwangwang.
Malaki pa naman ang paghanga natin kay Moreno kaya nga noong kampanya ay nagko-cover tayo sa kanya.
Paging Mayor Moreno, makinig naman kayo sa inyong mga nasasakupan.
Sana lang!!
