
Ni NOEL ABUEL
Binati ni Senador Christopher “Bong” Go ang Team Philippines sa matagumpay na kampanya nito sa katatapos lamang na 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam.
Ayon kay Go, nagpapasalamat ito sa mga Pinoy athletes, coaches at trainers, sa iniuwi nitong 227 medalya kabilang ang 52 gold medals, 70 silver medals, at 105 bronze medals.
“Tauspuso ang aking pasasalamat sa lahat ng mga atletang Pilipino na nagbigay ng karangalan sa ating bayan. Isang mataas na pagsaludo din sa lahat ng mga manlalaro natin, sa kanilang mga coaches at mga trainors na naghanda sa mahabang panahon para sa palarong ito,” sabi ni Go, ang chairman ng Senate Committee on Sports.
Samantala, punuri rin ng senador ang pamahalaan sa suporta at tulong sa mga Pinoy athletes para makapaghanda ang mga ito sa SEAGames.
“Marami nang magagandang idinulot ang ating mga efforts para masuportahan ang atletang Pilipino at mapalakas ang sports development programs sa bansa. Paigtingin pa natin lalo ito,” sabi pa ni Go.
Una nang sinabi ni Go na susubukan nitong hanapan ng pondo para sa karagdagang insentibo para sa mga Filipino athletes na nakapag-uwi ng medalya sa bansa at upang higit pang paghusayin ang pagsasanay ng mga ito.
“I cannot speak on behalf of the President lalung-lalo na po patapos na ang kanyang termino, lalung -lalo na sa mga incentives ‘no. Pero, I will push for it. Kung kaya pa ng administrasyon ni Pangulong Duterte na magbigay isa-suggest ko po,” ayon pa sa senador.
Nabatid na ang Philippine Sports Commission ang magkakaloob ng financial incentives sa mga medal-winning athletes na naaayon sa National Athletes and Coaches Incentives and Benefits Act kung saan makakatanggap ang isang Filipino athlete P300,000 sa bawat gold medal na mapapanalunan nito habang ang makakakuha ng silver ay P150,000 at bronze medal ay P60,000.
Samantala, si Pangulong Duterte ay may tradisyon na nagbibigay ng financial bonuses at dagdag na monetary rewards sa mga atleta.
