
NI NERIO AGUAS
Magandang balita para sa mga manggagawa sa Northern Mindanao (NorMin).
Ito ay matapos aprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ang bagong minimum wage sa naturang rehiyon.
Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na nagpalabas ang RTWPB Northern Mindanao ng Wage Order No. RX-21 na nagkakaloob ng dagdag na P25 sa sahod sa oras na maging epektibo ang wage hike, at karagdagang P15-P22 epektibo simula Disyembre 16, 2022.
Ayon kay Bello, aabot sa 152,924 manggagawa sa pribadong kumpanya at 54,851 domestic workers ang inaasahang magbebenepisyo sa bagong minimum wage increase.
Taong 2018 nang huling magkaroon ng wage order sa mga manggagawa sa pribadong establisimiyento kung saan Nobyembre 1, 2018 nang maipatupad ito habang ang wage order para sa domestic workers ay naging epektibo noong Enero 1, 2020.
At dahil sa bagong minimum wage hike, ang mga manggagawa sa lungsod ng Cagayan de Oro, Iligan, Malaybalay, Valencia, Gingoog, El Salvador, at Ozamis at ang munisipalidad ng Tagoloan, Villanueva, Jasaan, Opol, Maramag, Quezon, Manolo Fortich, at Lugait ay makakatanggap na ng P405 para sa non-agriculture sector.
Naglabas din ang wage board ng RBX-DW-03 na nagkakaloob ng buwanang dagdag na P500 para sa mga domestic workers kung saan ang bagong monthly minimum wage rate sa rehiyon ay magiging P4,500 sa mga syudad at first-class municipalities at P3,500 naman sa iba pang munisipalidad.
Nakatakdang isumite sa National Wages and Productivity Commission (NWPC) ang nasabing wage orders para sa kauukulang pag-aaral at matapos nito ay ilalathala ito sa mga pahayagan bago maging epektibo sa loob ng 15-araw.
