
NI NERIO AGUAS
Tiwala ang liderato ng Bureau of Immigration (BI) na madaragdagan ang bilang ng mga dayuhan at lokal na turista na darating sa bansa kasunod ng pagpapatupad ng maluwag na travel restrictions.
Sinabi ni BI Commissioner Jaime Morente na sa pagbawi ng negative RT-PCR requirement para sa darating na pasahero na nakatanggap na ng Covid-19 vaccine at isang booster shot ay mas maraming bakasyunista ang darating sa bansa.
Samantala, bagama’t binawi rin ang travel insurance requirement sa mga darating na pasahero umaasa naman ang health authorities na mananatili pa rin itong irerekomenda.
“With this development, travel will be easier in the new normal. We hope that this will boost the number of international arrivals in the next few months,” sabi ni Morente.
Pahayag pa ni Morente na noong nakalipas na summer season ay nakapagtala ang BI ng 15,000 turista kada araw.
“The arrivals have steadily increased since February, but has plateaued at the tail end of summer,” sabi pa nito.
Una nang naglabas ng abiso ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na epektibo mula Mayo 30, ang mga fully vaccinated foreign nationals na may booster shot ay exempted nang magsumite ng negative RT-PCR test.
Exempted din ang mga kabataang may edad 12-anyos hanggang 17-anyos na fully vaccinated at 12-anyos pababa kahit anong vaccination status nito.
“We are hoping that little by little, the country’s international tourism sector can once again flourish as we move towards the new normal,” sabi ni Morente.
