
Ni NOEL ABUEL
Pasado na ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang panukalang panukalang huwag nang buwisan ang sahod at mga benepisyo ng mga poll workers.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2520, na iniakda ni Senador Win Gatchalian, hindi na mabibilang sa gross income ang honoraria, travel allowance, at iba pang mga benepisyong ipinagkakaloob ng Commission on Elections (Comelec) sa mga poll workers, kabilang ang mga guro.
Isa si Gatchalian sa mga may-akda ng panukalang batas na saklaw ang naging halalan noong Mayo 9, 2022, pati na rin ang mga susunod na local at national elections.
Ayon sa Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, ang buo at walang kaltas na sahod at mga benepisyo na matatanggap ng mga poll workers ay pagkilala sa kanilang ginagampanang marangal na trabaho at sakripisyo upang tiyakin ang mapayapa at maayos na halalan.
Aniya, 647,812 mga kawani ng Department of Education (DepEd) ang nakilahok sa national at local elections ngayong taon at 319,317 sa mga ito ay nagsilbing mga kasapi ng Electoral Board.
“Kung hindi na natin papatawan ng buwis ang sahod at benepisyo ng mga guro, maipapadama natin ang ating pasasalamat at pagkilala sa kanilang mga sakripisyo upang matiyak na malinis at maayos ang ating halalan,” ani Gatchalian.
Nagsimulang patawan ng buwis ang mga election honoraria noong 2018 Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections at noong 2019 midterm elections kung saan sa parehong halalan, pinatawan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ng 5% withholding tax ang sahod ng mga guro.
At sa taong ito, pinatawan ng 20% withholding tax ang honoraria at benepisyo ng mga guro.
Ayon sa Department of Finance (DOF), maaaring mahirap ipatupad ang panukalang tax exemption at Hindi rin umano ito sang-ayon sa mga prinsipyo ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law upang maging mas mabisa ang sistema ng pagbubuwis.
Ngunit ayon kay Gatchalian, mayroon nang mga tax exemptions na ipinapatupad ang tax code kung kaya’t hinimok nito ang DOF at BIR na magsumite ng kanilang panukala upang maibigay sa mga poll workers ang buong halaga ng kanilang sahod at mga benepisyo, lalo na’t ang mga halalan ay ginaganap lamang minsan sa loob ng tatlong taon.
