Tapos na po ang halalan at panahon na para magkaisa.”– Sen. Go

Pangulong Duterte nag-iimpake na sa Malacañang

Senador Christopher “Bong” Go

NI NOEL ABUEL

Nanawagan si Senador Christopher “Bong” Go sa susunod na administrasyon na tiyakin na maipagpapatuloy ang isinasagawang pandemic recovery efforts ng kasalukuyang pamahalaan.

“Isa sa dapat pakatutukan ng bagong administrasyon ay ang pagtugon sa COVID-19 pandemic, at matulungan ang ating mga kababayan na makaahon sa hirap na idinulot nito sa kanilang buhay. Napakaimportante po na maka-recover agad tayo at makalikha ng mga trabaho at walang magugutom na Pilipino,” ayon sa senador.

Kasabay nito, binati ni Go si President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at Vice President-elect Sara “Inday” Duterte sa pagkakapanalo ng mga ito sa nakaraang eleksyon at handa aniya itong makipagtulungan sa susunod na administrasyon para sa ikabubuti ng taumbayan.

 Ayon kay Go, tiwala ito na tutuparin ng susunod na administrasyon ang epektibong obligasyon nito sa bansa.

“Umaasa ako na gagampanan ng bagong Pangulo at Pangalawang Pangulo ang tungkuling ipinagkatiwala sa kanila ng ating mga kababayan—lalung-lalo na ang pagtulong sa mga mahihirap at higit na nangangailangang mga Pilipino,” ani Go.

“Isa lang po ang aking pakiusap at paalala: tulad ng laging bilin ni Pangulong Rodrigo Duterte, unahin dapat ang kapakanan ng ating mga kababayan. Walang dapat mapabayaan at lahat dapat ay makatikim ng ginhawa na dulot ng maayos na serbisyo mula sa ating gobyerno,” dagdag pa nito.

Samantala, nanawagan din si Go sa mga Filipino na magkaisa para sa pagsisimula ng bagong pahina ng kasaysayan ng bansa.

“Tapos na po ang halalan at panahon na para magkaisa at magpokus sa trabaho para sa ikabubuti ng bawat Pilipino. Magsisimula na tayo ng bagong kabanata ng buhay bilang isang sambayanan sa ilalim ng bagong administrasyon,” paliwanag ni Go.

“Nagpalit man ang ating liderato sa gobyerno, patuloy pa rin ang ating pagseserbisyo tungo sa ating iisang hangarin na mas ligtas at komportableng buhay para sa bawat Pilipino,” pagtitiyak nito.

Samantala, sinabi ni Go na nagsisimula nang mag-impake ng gamit si Pangulong Duterte mula sa Malacañang Palace patungo sa Davao City.

“Tungkol naman sa ating mahal na Pangulong Duterte, nagsisimula na siyang magligpit ng mga gamit pauwi sa kanilang tahanan sa Davao City. Doon siya mananatili sa kanyang retirement bilang private citizen kapiling ang kanyang pamilya,” aniya.

Leave a comment