
Ni NOEL ABUEL
Ibinulgar ni Senador Imee Marcos na nasa 97,000 vote-counting machines (VSMs) ng Smartmatic na pawang bulok na ang pinagtitiyagaan tuwing may eleksyon.
Ayon kay Marcos, mistulang nakapako na ang Commission on Elections (Comelec) at ang pamahalaan sa Smartmatic at pinagtitiyagaan ang mga nabubulok nang VCMs na ginagamit sa eleksyon tulad ng nakalipas na May 9, 2022 national elections.
“Parang nakapako na tayo talaga sa Smartmatic forever, kasi ‘yung 97,000 na bulok at 11k na bago lahat ‘yun sa Smartmatic, eh papaano ‘yun kung bibili o uupa ng bago kailangan tugma du’n sa Smartmatic. So Smartmatic na naman ang magwawagi,” sabi ni Marcos.
Sa pagdinig ng Senate Committe on electoral reforms sinabi ng Comelec na nangangailangan ng P6.7B para ipambayad sa Smartmatic para sa 97,000 VCMs bago ang 2025 midterm elections.
Ayon kay Comelec chairman Saidamen Pangarungan, napipilitan ang poll body na gamitin ang refurbished VCMs dahil sa naglaan lamang ang Kongreso ng P8 bilyon mula sa hiling na P12 bilyong pondo para sa 2022.
“Dito po sa 2022 budget, the Comelec requested a budget of P12B and Congress only approved only P8 billion kaya po napilitan ang Comelec to refurbish the vote-counting machines and then we have these malfunctions in the VCMs,” sabi pa ni Pangarungan.
“So, definitely, we will recommend to lease new vote-counting machines kasi itong mga VCMs, it’s 13 years old. Kailangan talagang gumamit tayo ng bagong VCMs for the 2025 elections,” dagdag nito
Aminado rin si Commissioner George Garcia na dapat nang magretiro ang 97,000 VCMs.
“‘Yun pong lumang-luma, 97,000 po lahat-lahat ‘yun and we leased 11,100 additional new machines. So ako po, personally, would recommend to the Comelec en banc, in case we’ll still be there, to retire the 97,000,” sabi nito.
Magugunitang noong May 9,2022 elections ilang VCMs ang nagloko at nasira maliban pa sa ilang resibo ang hindi nagtutugma sa aktuwal na boto ng isang botante dahilan upang mabalam ang eleksyon sa ilang voting precinct.
“’Yung VCMs andaming nag-malfuntion, talaga naman luma na kahit refurbished humingi sila ng budget dahil 97,000 were actually leased 2009 pa so 13 years old na ang VCMs. Talaga namang pumapalya at nag-o-overheat at hindi naman talaga tuluy-tuloy na maisusubo ang mga balota,” sabi ni Marcos.
Samantala, pinuri naman ni Marcos ang malaking pagbabago sa operasyon ng eleksyon tulad ng pag-ayos ng wifi sa tulong ng Department of Science and Technology (DOST) at Department of Information and Communications Technology (DICT).
“I think mayroon namang huge improvement, unang-una ‘yung ating wifi talaga naman nag-improve kahit papaano gumaling na rin tayo kahit papaano. Naibigay ang source code at katakut-takot na testing nagtulung-tulong ang DOST, DICT, Comelec hindi tulad noon,” sabi ni Marcos.
‘Yung source code naibigay agad sa IT expert. So maganda ang takbo nag-improve ang telcos kahit papaano siguro ‘yung ating operator nag-improve din at malaking bagay ‘yung mga regional and provincial hub, ‘yung mga technical hub kasi dati lahat ng VCM lahat ng SD kapag pumalya dadalhin pa sa Sta. Rosa e papano ‘yun ang layu-layo nu’n. So ngayon ‘yung mga regional at provincial hub they were 84 technical hubs throughout the country. And marami nang marunong mag-ayos ng VCM itong technical hub kinaya naman ang SC cards. So hindi lahat kinailangan pang dalhin sa Sta. Rosa,” dagdag pa nito.
