Abusadong American national arestado sa Cebu

Ang American national na inirereklamo dahil sa panggugulo habang inaaresto ng mga tauhan ng BI Intelligence agents.

NI NERIO AGUAS

Kalaboso ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang isang American national na sangkot sa illegal na pagnenegosyo at pagiging undesirable alien.

Kinilala ni Immigration Commissioner Jaime Morente ang naarestong dayuhan na si Sunny Miller, 67-anyos, ng mga tauhan ng BI Intelligence Division sa Bgy. Punta, San Remigio, Cebu.

Armado ng mission order na pinirmahan ni Morente isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ng sumbong ang mga barangay officials ng nasabing lugar na sangkot sa panggugulo at pagwawala at nagiging banta sa buhay ng mga kapitbahay nito.

“The complainants also alleged that he has been engaging in gainful business activities without the appropriate permit and visa in blatant violation of our immigration laws,” sabi ni Morente.

Ayon naman kay BI intelligence chief Fortunato Manahan Jr., na base sa record, si Miller ay natuklasang overstaying alien na kung kaya’t awtomatiko ito sa summary deportation.

Idinagdag pa ni Manahan na inakusahan ang dayuhan ng harassment at intimidation nang illegal nitong okupahan ang lupa sa baybaying dagat sa nasabing lugar dahilan upang maapektuhan ang trabaho ng mga mangingisda.

Idineklara na rin si Miller ng barangay officials ng Punta na persona non grata dahil sa masama nitong gawain na labag sa moralidad at maayos na kaugalian at public policy.

Ayon sa BI chief, papatawan ng deportation case ng immigration prosecutors si Miller bago magpalabas ng kautusan na ipatapon ito palabas ng bansa ng BI board of commissioners.

Kasalukuyang nakadetine ang nasabing American national sa BI facility sa Cebu habang isinasailalim sa deportation proceedings.

Leave a comment