Ex-Mayor binuking ng Facebook post

NI NOEL ABUEL

Nang dahil sa Facebook post ay nasa balag ng alanganin ang isang dating alkalde ng lungsod ng Cebu matapos na matuklasang nagsinungaling sa pagsasabing naka-isolate ito dahil sa sakit.

Kinompronta ng Sandiganbayan justices si dating Bogo, Cebu Mayor Celestino Martinez III at ipinakita ang larawan nito na nasa labas ng tahanan ang nagbibisikleta habang sinabi ng abogado nito na ito ay nasa home isolation dahil sa medical reasons.

Si Martinez ay ipinatawag ng anti-graft court’s Sixth Division noong Pebrero 22, 2022 para sa promulgasyon ng desisyon nito kaugnay ng dalawang kaso ng katiwalian  subalit ipinagpaliban ito at itinakda ang muling pagdinig dahil inutusan umano ito ng kanyang doktor na manatili sa loob ng bahay at huwag makihalubilo sa publiko.

Pinatawan ito ng parusang pagkakakulong ng 12-taon hanggang 20-taon kasama ang dating assistant treasurer nitong si Julio Ursonal Jr. at pinagbabayad ng P20 milyon.

Samantala, ang accountant na si Cresencio Verdida at treasurer na si Rhett Minguez ay pinatawan ng guilty sa isa sa mga kasong graft at pinatawan ng pagkakakulong ng anim na taon.

 Sa kanyang manifestation, ipinaliwanag nito ang kanyang non-appearance,ipinarating ni Martinez sa korte na sumailalim ito sa chemotherapy noong Enero bilang bahagi ng kanyang cancer treatment at ikinokonsiderang immune-compromised.

 Sinabi pa ng dating alkalde na nakatakda rin itong sumailalim sa second dose ng COVID-19 vaccine sa panahon  ng promulgasyon nito kung saan nanindigan ito na dapat na nasa home isolation upang makaiwas na makahawa ng sakit.

Ngunit sa nasabing pagdinig noong Pebrero 28, 2022 na dinaluhan ni Martinez, inusisa ni Associate Justice Karl B. Miranda si Martinez kaugnay ng Facebook posts na nagpapakita na nagbibiskleta ito kasama ang ilang tao noong Pebrero 5.

 Base sa FB post, tumakbo ng 28.42 kilometro ang pagbibisikleta.

 “Yes, Your Honor. I joined them Your Honor on this ride, Your Honor. But I did not finish the whole ride, Your Honor. I stopped in the middle, Your Honor,” sabi ni Martinez.

 Sa apat na pahinang resolusyon ng Sandiganbayan ipinaalala nito sa mga abogado at litigants na maging tapat at panatilihin ang respeto.

 “To reiterate, a lawyer is, first and foremost, an officer of the court. His duty is not to his client but primarily to the administration of justice. Thus, any means, not honorable, fair and honest, even in the pursuit of his devotion to his client’s cause, is condemnable and unethical,” sabi ng Sandiganbayan.

Leave a comment