

Ni NOEL ABUEL
Pumasa na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang ilang local hospital bills na naglalayong mapabuti ang sistema ng pangangalagang pangkalusugan sa buong bansa .
Sinabi ni Senador Christopher “Bong” Go, chairman ng Senate Committee on Health, at sponsor ng nasabing mga panukala, mahalaga na paipagpatuloy ang pagtatag ng mga pinakamahuhusay na ospital sa bansa sa gitna na rin ng epekto ng pandemya.
Layon ng nasabing panukala na itatag at i-upgrade ang mga ospital na pinatatakbo ng mga local government units (LGUs) gayundin ang mga ospital ng Department of Health (DOH).
“I am presenting these bills to upgrade some of our DOH hospitals to contribute to the strengthening of our health care system,” sabi ni Go.
“All of these are made possible due to the continued cooperation of our countrymen. I want to thank our healthcare workers and frontliners. It is important that we do not put to waste this development. Let us not waste the work and sacrifices of our government, healthcare workers, frontliners and most of all, the cooperation and discipline of each Filipino,” dagdag pa ni Go.
Kabilang sa inaprubahan sa ikatlong pagbasa ang House Bill No. (HBN) 10464, na naglalayong magtayo ng Iloilo City Hospital sa Iloilo City; HBN 10242, na naglilipat sa Gov. Celestino Galleres Memorial Hospital sa Tagbilaran, Bohol sa pagiging Gov. Celestino Gallares Multi-Specialty Medical Complex; HBN 10451, na naglalayong dagdagan ang bed capacity ng Baguio General Hospital and Medical Center sa Baguio City, Benguet mula 800 ay gagawing 1,500 beds.
Gayundin ang HBN 10324, na dadagdagan ang bed capacity ng Ospital Ng Palawan sa Puerto Princesa, Palawan mula sa 100 ay gagawing 400 beds; HBN 10013, na dadagdagan din ang bed capacity ng Davao Regional Medical Center sa Tagum, Davao del Norte mula 600 ay gagawing 1,000 beds.
At ang HBN 9917, na nagtatatag sa Meycauayan, Bulacan, bilang tertiary hospital na kikilalanin bilang Ospital ng Meycauayan; HBN 10254, na magtatatag ng children’s hospital na kikilalanin bilang Liloan Children’s Hospital sa Liloan, Cebu; HBN 10297, na magtatatag sa Aklan Geriatic Medical Center sa Kalibo, Aklan; HBN 9537, na magtatatag sa Isaac Tolentino Memorial Medical Center sa Tagaytay, Cavite; HBN 8888, na magtatatag sa Lamidan Community Hospital sa Don Marcelino, Davao Occidental.
Kasama rin ang HBN 8890, na magtatatag ng community hospital na tatawaging Nuing Community Hospital sa Abad Santos, Davao Occidental; HBN 8254, na magtatatag sa Panabo City District Hospital sa Panabo, Davao del Norte; HBN 10180, na magdaragdag ng bed capacity ng Gov. Faustino Dy Sr. Memorial Hospital sa Iligan, Isabela mula 100 ay magiging 500 beds; HBN 7973, na mag-a-upgrade sa Lipa City District Hospital sa Lipa Batangas na maging level II hospital.
