
NI NOEL ABUEL
Pinapurihan ng mga senador ang pagkakapili ng incoming Marcos administration kay Amenah Pangandaman, Concurrent Assistant Governor ng Banko Sentral ng Piipinas bilang bagong kalihim ng Department of Budget and Management (DBM).
Ayon kina Senador Sonny Angara, chairman ng Senate Committee on Finance at Senador Ramon “Bong” Revilla Jr., ang pagkakapili ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kay Pangandaman ay tama dahil sa malawak na karanasan nito.
“Napakahaba na ng karanasan ni Mina sa legislature at executive branches, kaya natutuwa akong makakatuwang namin siyang muli sa pag-aaral sa 2023 national budget sa mga darating na araw,” ani Angara.
Sinabi naman ni Revilla na kinikilala nito ang malawak na karanasan ni Pangandaman sa naturang larangan na may natatanging perspektibo na maging bahagi ng national finance habang nasa lehislatura at maging sa ehekutibo.
Si Pangandaman ay nagsilbi noon bilang chief of staff ni dating Senate President Edgardo J. Angara, ama ni Senador Sonny Angara, at naging chief of staff din ni Senador Loren Legarda noong siya pa ang chairman ng Senate finance panel.
Mababatid na nitong nakaraang araw sa isang pahayag mula kay incoming Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, inihayag ang pagpili ni Marcos, Jr., kay Pangandaman bilang bagong DBM secretary.
Malugod namang tinanggap ni Pangandaman ang nominasyon sa kanya bilang budget chief ng gobyerno, at sinabing lubos ang gagawin nilang pagsuporta sa layunin ng papasok na administrasyon na muling mapalakas at maibalik sa dating lusog ang ekonomiya ng Pilipinas
Nangako rin ang incoming budget secretary na magiging masigasig siya sa pangangasiwa sa fiscal resources ng gobyerno, sa modernisasyon ng budget system, pagtiyak nang maayos na government spending at ang pagsusulong na muling mapalakas ang ekonomiya sa pamamagitan ng human capital development at strategic investment sa malalaking imprastraktura.
At dahil sa napakalawak na karanasan at kaalaman na nahulma niya sa pagsisilbi sa Lehislatura at Ehekutibo, taglay ni Pangandaman ang isang maipagmamalaking track record, ayon kay Angara.
Bilang Assistant Governor ng BSP sa kasalukuyan, naging instrumento si Pangandaman sa pagtupad ng mga proyekto ng BSP Governor sa loob at labas ng ahensya.
Sa kanyang pagpasok bilang DBM secretary, taglay rin nito ang napakalawak na kaalaman sa galaw ng departamento dahil nagsilbi rin itong undersecretary nito sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Pangunahing pinangasiwaan ni Pangandaman sa DBM ang Department Liaison Office at Budget Technical Bureau nito.
Sa mga panahong nabanggit, nanguna sya sa pagsusulong ng budget reforms at naging masigasig sa paghahanda, pagpapatupad at pagmo-monitor ng General Appropriations Act.
Nagtapos ng kursong Economics sa Far Eastern University, mayroon din siyang diploma at master’s degree in Development Economics mula sa University of the Philippines (UP) at kasalukuyang tinatapos ang kanyang Executive Master of Public Administration sa London School of Economics.
