2 Korean nationals arestado ng BI

NI NERIO AGUAS

Arestado ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawng South Korean nationals na wanted sa bansa nito kaugnay ng pagkakasangkot sa telecommunications at financial fraud.

Kinilala ni Immigration Commissioner Jaime Morente ang mga nadakip na dayuhan na sina Lee Choungeon, 43-anyos, at Kim Seongku, 45-anyos, ng mga tauhan ng BI fugitive search unit (FSU) sa magkahiwalay na lugar sa Metro Manila.

Unang nadakip si Lee noong araw ng Lunes habang nagtangkang ipalawig nito ang kanyang tourist visa sa BI main office sa Intramuros, Manila kung saan lumabas sa record ng BI na may derogatory record ito kung kaya’t agad na dinakip.

Nakatakdang ipatapon pabalik ng Korea si Lee sa bisa ng summary deportation na inilabas ng BI board of commissioners dahil sa pagiging undesirable alien noong Disyembre 3, 2021 at matapos matuklasang wanted fugitive base sa impormasyon mula sa Korean authorities.

Base sa records ng Interpol’s national central bureau (NCB) sa Manila si Lee ay may arrest warrant na inilabas ang Daejeon district court sa Hongsung, South Korea noong Abril 2020 dahil sa pagkakasangkot sa kasong fraud at pagiging miyembro ng sindikato na nambibiktima gamit ang voice phishing.

Samantala, naaresto naman si Kim sa Pasig City condominium complex noong araw ng Martes kung saan wanted ito sa Korea at may arrest warrant na inilabas ng Seoul central district court noong Abril 1, 2022 dahil sa kasong electronic fraud.

Nabatid na nagawang makatangay ni Kim ang mahigit sa P613M na crypto currencies at bitcoins. Kasalukuyang nakadetine sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City ang dalawang dayuhan habang inihahanda ang pagpapatapon pabalik ng kanilang bansa.

Leave a comment