Dumaraming suicidal cases ng magsasaka ikinabahala ng kongresista

Rep. Argel Cabatbat

NI NOEL ABUEL

Pinaiimbestigahan ng isang kongresista ang dumaraming bilang ng umano’y nagpapakamatay na magsasaka dahil sa pagkalugi sa negosyo ng mga ito.

Ayon kay Magsasaka party list Rep. Argel Cabatbat, nakakabahala na ang ulat na maraming magsasaka sa buong bansa ang dumaranas ng depresyon hanggang sa pagpapakamatay.

Sa inihain nitong House Resolution no. 2016, inatasan nito ang House Committee on Health at iba pang komite sa Kamara na magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa nasabing ulat at gumawa ng pag-aaral upang masolusyunan ito.

 Inihalimbawa ni Cabatbat ang nangyari sa tatlong miyembro ng pamilya na itinago sa mga pangalang  Rebecca, Stella at Rose na pawang nawalan ng mahal na buhay dahil sa pagpapakamatay.

Aniya, si Rebecca ay na-diagnosed ng psychosocial disability matapos masawi ang asawa nito dahil sa sakit kung saan ang bayaw naman nito ay nagpasyang magpatiwakal dahil sa kahirapan sa buhay.

Samantala, Disyembre 2021 nang masawi ang nakatatandang kapatid ni Stella sa pamamagitan din ng pagpapatiwakal dahil din sa hindi na makayanang hirap sa pagsasaka para mabuhay ang limang miyembro ng pamilya nito.

Habang ang kapatid din ni Rose ay nagpatiwakal din noong 2019 matapos malulong sa alak dahil sa pagkalubog sa pagkakautang at nalubog din ang pagsasaka nito.

Sa datos umano ng Philippine Statistics Authority (PSA) nasa 1,722 Filipino magsasaka ang nagpatiwakal mula taong 2016 hanggang 2020.

Tinukoy ang mga rehiyon na may 7 hanggang 11 porsiyento ng suicidal cases ang Cagayan Valley, Central Visayas, Ilocos, Calabarzon, Western Visayas at Central Luzon.

Giit ni Cabatbat dapat na ituring nang public health concern ang nasabing usapin at dapat na tugunan ng pamahalaan kung saan nanawagan ito sa mga nanalong national at local candidates sa nakalipas na eleksyon na isama sa kanilang agenda ang tumataas na kaso ng pagpapakamatay ng mga magsasaka.

“This is a heart-breaking reality on the ground: farmers have no access to medical intervention when they experience mental health issues. They are not even aware they are going through it. They don’t know that mental health disorders can be managed with proper diagnosis and treatment,” ayon sa kongresista.

Leave a comment