
Ni NOEL ABUEL
Sinisiguro ni House Deputy Speaker Rufus Rodriguez na itutuloy nito ang pagsusulong sa inihain nitong panukalang batas na naglalayong suspendehin ang pagpapataw ng dagdag na excise taxes sa mga produktong petrolyo.
Giit ito ng kongresista kasunod ng muling pagpapatupad ng dagdag presyo sa mga produktong petrolyo ng mga kumpanya ng langis kung saan maaari pa rin aniyang magpatuloy pa ito bunsod na rin ng desisyon ng European Union na magpatupad ng ban ng 90 porsiyento ng oil imports nito sa Russia hanggang sa huling araw ng taon.
“Already, the cost of crude oil in the international market has jumped to more than $110 per barrel following the EU’s decision,” sabi ng Cagayan de Oro solon.
Sinabi pa ni Rodriguez na muli nitong ihahain ang panukalang batas upang matukoy ang koleksyon sa fuel taxes sa loob ng apat na taon kung saan inaasahan aniya na makakabawi ang ekonomiya ng bansa mula sa Covid-19 pandemic at ang epekto ng Ukraine-Russia war.
“The suspension will bring immediate relief to our people,” aniya.
Idinagdag pa nito ang hiling nitong pagpapaliban sa tax increase ay nasa ilalim ng Section 43 ng Republic Act No. 10963, o ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
“Enacting the bill will cut pump prices by P6 per liter for diesel, P3 per kilogram for liquefied petroleum gas, P5 for kerosene, and P5.65 per liter for gasoline,” giit nito.
Paliwanag pa ni Rodriguez, sa ilalim ng panukala nito, makapagpatuloy ang pamahalaan na makakolekta ng lumang presyo ng excise tax sa mga oil products.
Dagdag pa ng kongresista, makikinabang ang lahat ng sektor sa ihahain nitong panukala kabilang ang turismo at ang aviation na pinaka naapektuhan ng pandemya.
“They will benefit, because our proposal would also reduce the tax on aviation fuel and other oil products tourism- and aviation-related businesses are using,” aniya pa.
