BI handa na sa pagdating ng foreign students

Ni NERIO AGUAS

Nakahanda na ang Bureau of Immigration (BI) sa inaasahang muling pagbabalilk at pagdating sa bansa ng mga foreign students.

Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, tinitiyak nitong magiging maayos at mabilis ang  pagpoproseso ng pag-convert ng student visas ng mga dadagsang mga dayuhang mag-aaral.

“I have instructed our personnel to coordinate with our other stakeholders to ensure the smooth processing of returning foreign students. This would be the Bureau’s share in helping the recovery of the education sector that was also badly hit by the pandemic,” sabi ni Morente.

Nabatid na nang pumutok ang COVID- 19 pandemic, karamihan ng mga foreign students sa bansa ay umalis at pinabalik ng kani-kanilang bansa kasunod ng pagpapatupad ng malawakang pagpapasara at lockdowns sa mga lansangan, paliparan, at pantalan.

Sinabi naman ni Anthony Cabrera, ang hepe ng BI’s student visa section, na sa ikatlong bajagi ng taon inaasahan ang pagdagsa ng mga nagbabalik na foreign students sa bansa sa panahon ng pagsisimula ng academic school year. 

Idinagdag pa nito na ilang eskuwelahan at kolehiyo na ang nagsabing magpapatupad ng limited face-to-face classes base na rin sa pakikipagpulong ng mga school officials na handa nang tumanggap ng mga dayuhang mag-aaral.

 “We are encouraging these foreign students to come back and continue their courses, which have been disrupted by the pandemic,” sabi ni Cabrera. 

Sa datos ng BI, umaabot sa mahigit sa 35,000 foreign students ang nag-aaral sa mga eskuwelahan sa iba’t ibang bahagi ng bansa na karamihan ay estudyante ng medical field.

Una nang sinabi ng Department of Tourism (DOT) na inilalako nito ang Pilipinas bilang destinasyon ng mga nais matuto ng English Language.

Leave a comment