Pagbabalik ng face-to-face classes napapanahon na — Gatchalian

Senador Win Gatchalian

NI NOEL ABUEL

Nanindigan ang isang senador na para makabangon ang sektor ng edukasyon mula sa pinsalang dulot ng pandemya ng COVID-19 ay dapat na ibalik ng face-to-face classes sa susunod na academic year.

Ayon kay Senador Win Gatchalian, ang pangangailangan para sa malawakang programa para sa learning recovery, lalo na’t ang kawalan ng face-to-face classes sa loob ng dalawang taon ay nagdulot ng learning loss o pag-urong ng kaalaman.

Tinataya ng National Economic and Development Authority (NEDA) na dahil sa kawalan ng face-to-face classes sa loob ng dalawang taon, P22 trilyon ang mawawala sa bansa dahil sa productivity losses.

Bahagi ng panukalang learning recovery program ni Gatchalian ang mga sistematikong tutorial sessions para sa mga mag-aaral na nahihirapan sa kanilang mga aralin.

Saklaw ng panukalang programa ang “most essential learning competencies” sa ilalim ng Language at Mathematics para sa Grade 1 hanggang Grade 10, at Science para sa Grade 3 hanggang Grade 10. “Literacy at numeracy competencies” naman ang tutukan sa mga mag-aaral sa Kindergarten upang mahasa ang kanilang mga foundational competencies.

Ayon naman sa Department of Education (DepEd), may 34,238 na mga paaralan na ang nominado para sa face-to-face classes at 1,174 dito ay mga pribadong paaralan. May higit 33,000 o 73.28% ng mga pampublikong paaralan ang nagsasagawa na ng face-to-face classes.

 “Matapos ang halos dalawang taon ng pagtugon natin sa mga hamon ng pandemya, napapanahon nang buksan natin ang lahat ng mga paaralan upang makabalik na ang mga mag-aaral. Habang patuloy ang pagbangon ng iba’t ibang sektor, dapat nating tiyaking hindi mapag-iiwanan ang sektor ng edukasyon,” ani Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Nanindigan din si Gatchalian na sa pagbubukas ng 19th Congress, ihahain nito ang mga panukalang batas upang iangat ang kalidad ng edukasyon at paigtingin ang pagbangon ng sektor mula sa pinsala ng pandemya.

Kamakailan ay niratipikahan na ng Kongreso ang panukalang batas na lumikha ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II).

Leave a comment