
NI NOEL ABUEL
Nanindigan ang Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD) party na suportado nito si House Majority Leader at Leyte 1st District Rep. Martin G. Romualdez na magiging susunod na House Speaker sa 19th Congress.
Ito ang sinabi ng mga opisyales ng Lakas-CMD party kung saan mas marami pa umanong dumagdag na miyembro ng partido na nanalo sa nakaraang May elections at may iba pa ang nagpahayag na handang maging bahagi ng Lakas-CMD.
Sinabi ni Zamboanga Sibugay Rep. Wilter “Sharky” Palma II, ang deputy secretary general ng Lakas-CMD, ikinokonsidera ng liderato ng nasabing partido na buksan ang pintuan nito para sa mga kongresistang nais na maging bahagi ng Lakas-CMD.
“Some of our colleagues have expressed their intention to join Lakas-CMD. We are very proud and happy to support our president to become our Speaker in the next Congress,” sabi ni Palma.
Una nang inendorso ng Lakas-CMD si Romualdez bilang susunod na lider ng Kamara na nakapaloob sa House Resolution No. 05, series of 2022 na inaprubahan ng executive committee ng partido nina Vice President-elect Sara Duterte at Senador Ramon Revilla Jr.
“Romualdez can lead the House of Representatives into being an effective partner of the incoming (Marcos) administration,” nakasaad sa resolusyon.
Ang iba pang partido na nagpahayag ng suporta kay Romualdez ay ang PDP-Laban, National Unity Party (NUP), Nacionalista Party (NP), Liberal Party (LP), Party-list Coalition Foundation, Inc., Hugpong ng Pagbabago (HNP), Partido Federal ng Pilipinas (PFP), Nationalist People’s Coalition (NPC), at ng iba pang neophytes congressmen.
