Wanted na Korean national arestado ng BI

NI NERIO AGUAS

Bumagsak na sa kamay ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang isang South Korean fugitive na wanted sa bansa nito kaugnay ng pagkakasangkot sa telecommunications fraud.

Kinilala ni Immigration Commissioner Jaime Morente, ang nadakip na dayuhan na si Song Chaehyok , 48-anyos, ng mga tauhan ng fugitive search unit (FSU) sa loob ng isang condominium suite sa Taguig City.

Armado ng warrant of deportation na nilagdaan ni Morente at nagpalabas din ng summary deportation order ang BI board of commissioners laban sa nasabing Korean national dahil sa pagiging undesirable alien, isinagawa ang operasyon na nagresulta sa pagkakadakip dito.

Ayon kay BI-FSU acting chief Rendel Ryan Sy, si Song ay pinaghahanap din ng Interpol at may red notice na inilabas laban dito noong 2018 matapos na makasuhan ng fraud sa district court sa Jeonju, South Korea.

Sinasabing nagpalabas din ng warrant of arrest ang Sokor court laban kay Song dahil sa pagiging miyembro ng sindikato na nasa likod ng voice phishing.

Base sa impormasyon ng Interpol’s national central bureau sa Manila, noong 2015 hanggang 2016 nang magsimulang mambiktima ang nasabing dayuhan at iba pang kasabwat nito sa kanilang mga kababayan kung saan nakatangay ang mga ito ng tinatayang 5.8 bilyon won, o katumbas ng mahigit sa US$4.6 milyon.

Kasalukuyang nakadetine ang naturang wanted na South Korean national sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang inihahanda ang pagpapatapon dito pabalik ng Korea.  

Leave a comment