
NI NERIO AGUAS
Magandang balita para sa mga minimum wage earners sa Cavite-Laguna-Batangas-Rizal-Quezon (CALABARZON) gayundin sa Davao regions.
Ito ay matapos na aprubahan ng regional wage boards ang dagdag sa sahod ng mga minimum wage earners sa nasabing mga lugar.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III ang nasabing wage increase ay ibibigay din sa mga manggagawa sa private sector workers sa CALABARZON na nasa P47 hanggang P92 sa kanilang suweldo habang sa Davao region ay mayroon ding karagdagang P47.
Nabatid na unanimous ang naging desisyon ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) sa CALABARZON at inaprubahan ang Wage Order RBIVA-19 kung saan ang bagong minimum wage sa mga non-agriculture sector ay nasa P470 na kasama na ang mga nasa Antipolo at Dasmariñas; P429 naman sa first class cities and municipalities; at P390 naman sa mga third class municipalities at resource-based area (fourth, fifth, and sixth class municipalities).
Samantalang ang bagong minimum wage rates sa agriculture sector ay nasa P429 sa mga extended metropolitan area, sa syudad ng Antipolo at Dasmariñas, at mga first class cities and municipalities; P390 sa second at third class municipalities; at P350 sa resource-based area o fourth, fifth, and sixth class municipalities.
Gayundin, ang bagong minimum wage sa retail at service establishments na may mahigit sa 10 manggagawa ay makakatanggap ng P350 o dagdag na P47 mula sa kasalukuyang P303.
Sa sandaling maibigay ang bagong minimum wage rates sa Davao region, magiging P438 mula sa dating P391 ang ibibigay sa agriculture sector, samantalang mula P396 ay magiging P443 na sa non-agriculture sector, at mula P381 ay magiging P443 naman sa retail/service establishments na may mahhigit sa 10 manggagawa.
Inilabas din ng wage board ang RBXI-DW-02 na nagtatakda sa buwanang wage rate sa domestic workers na nasa P4,500 o dagdag na P1,500 at P2,500 sa mga chartered cities at sa first-class municipalities at iba pang munisipalidad.
“Around 154,763 workers in private establishments and 64,111 domestic workers in the Davao region are expected to benefit from the minimum wage increases,” sabi ni Bello.
