
Ni NOEL ABUEL
Muling bubuhayin sa Senado ni Senador Christopher “Bong” Go ang panukalang pagpapataw ng parusang kamatayan sa mga sangkot sa heinous crimes kabilang ang pagkakasangkot sa illegal drugs at plunder.
Ito ang sinabi ng senador kung saan bagama’t hindi aniya pumasa noong Hulyo 2019 ang inihain nitong Senate Bill No. 207 ay sinisiguro nito na muling ihahain sa pagbubukas ng 19th Congress ang panukalang pagbuhay sa parusang kamatayan sa mga sangkot sa illegal drugs at plunder.
“Anyway we can file it again if we want. Itong SB 207, reinstating the death penalty for certain heinous crimes involving dangerous drugs and plunder,” sabi ni Go.
Paliwanag ni Go, ang pagbuhay sa death penalty ay kasama sa krusada ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa illegal drugs, kriminalidad at kurapsyon.
“Ang kampanya po ni Pangulong Duterte laban sa droga, kriminalidad at kurapsyon sa gobyerno ay dapat ipagpatuloy. Sayang po ‘yung gains na ginawa natin. Pag bumalik po ang droga, babalik na naman po ang kurapsyon at kriminalidad. Kasi makukurap na naman ‘yung tao ‘pag nandyan ‘yung droga,” paliwanag ng senador.
Sa ilalim ng panukala ni Go, ang plunder o ang pagkakaroon ng hindi maipaliwanag na kayamanan ng isang public officer na nasa P50 milyon ay dapat na patawan ng parusang kamatayan.
Gayundin ang mga nangyayaring krimen na may kaugnayan sa illegal na droga ay dapat din aniyang mapatawan ng capital punishment partikular ang mga nasa likod ng importasyon, distribusyon at possession ng dangerous drugs o ng ilang kemikal; pagmamantine ng drug dens; pagtatamim ng illicit narcotic plants; ang hindi maayos na paghawak ng isang public official sa nakumpiskang illegal na droga at pagtatanim ng ebidensya.
Nanindigan si Go na ang kampanya ng administrasyong Duterte laban sa kurapsyon, illegal na droga at krimen ay naging susi para maibalik ang katiwasayan at kaayusan sa bansa at nagbigay-daan sa mga komunidad at nagosyo na umunlada.
“So, ako naman po, napatunayan naman po in the last six years, tingnan ninyo mas nakakalakad po ang inyong mga anak pauwi sa inyong bahay na hindi nababastos at hindi nasasaktan. Dahil po iyan sa ginawa ng Administrasyong Duterte,” sabi ni Go.
Sa datos ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) mula Marso 2022, umabot na sa kabubuang 14,888 high-value targets ang nadakip simula nang ipatupad ang drug war noong Hulyo 2016 at nakakumpiska na ng illegal drugs na nagkakahalaga ngP88.83 bilyon kabilang angP76.17 bilyong halaga ng shabu.
