Pagpapatuloy ng ‘Balik-Probinsya’ program hiniling sa Marcos administration

Ni NOEL ABUEL

Umapela si Senador Christopher “Bong” Go sa darating na administrasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ipagpatuloy ang Balik-Probinsya, Bagong Pag-asa (BP2) program ng kasalukuyang pamahalaan.

“Hinihikayat po natin ang bagong administrasyon na ipagpatuloy ang pagpapatupad ng BP2 program na layuning mabigyan ng bagong pag-asa ang ating mga kababayan na kung piliin nilang bumalik sa probinsya at manirahan doon,” sabi ni Go.

“Hindi lang po maipagpatuloy, kundi mas mapaganda pa sa susunod na termino. Pareho naman po tayo ng adhikain — ang masigurong maramdaman ng bawat Pilipino ang komportableng buhay kahit saan mang sulok ng bansa,” dagdag pa nito.

Paliwanag pa ni Go na sa pamamagitan nito ay matutulungan ng pamahalaan na masuportahan ang rural development at makabuo ng mas malawak na negosyo sa lahat ng Filipino sa iba’t ibang bahagi ng  bansa.

Sinabi pa ng senador na una nang sinabi ni Dr. Juan Antonio Perez III, pinuno ng Commission on Population and Development (POPCOM) na ang pagpapatuloy ng BP2 program ay makakatulong para umangat din ang ekonomiya ng mga probinsya.

 “We hope that iyong Balik Probinsya Program will be really studied in the next administration and will include the population dynamics na binabanggit ko and we are part of one of the committees there, we are supporting the strategic activities there,” sabi ni Perez.

Nagpasalamat din si Go sa suporta ng mga pribadong sektor at ng iba’t ibang grupo sa pamahaalaan para isulong ang regional development.

“Isa sa mga layunin ng ‘Balik Probinsya’ program ang pagsigurong handa at kaaya-aya ang mga probinsya para sa mga bagong negosyong ipapatayo ng mga mamumuhunan,” sabi ni Go.

May 2020, nang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order No. 114 na naglalayong atasan ang mga ahensya ng pamahalaan na maghanda na ipatupad ang BP2 Program.

“Ngayon, merong Executive Order 114 na nag-institutionalize nito. Meron ding inter-agency council na mangangasiwa at magpapatupad nito. Whole-of-government na ang approach ngayon,” paliwanag pa ni Go.

Leave a comment