
NI NOEL ABUEL
Inimbitahan ng isang kongresista si Ms. Raissa Robles na dumalaw sa probinsya ng Basilan at persona; na saksihan ang malaking pinagbago ng seguridad sa nasabing lalawigan.
Ito ang hamon ni House Deputy Speaker at Basilan Rep. Mujiv Hataman bilang tugon sa pahayag na binitawan ni Robles kamakailan sa Twitter na babala o reaksyon sa plano ng bagong kalihim ng Department of Tourism (DOT) na buksan ang ilang bahagi ng Mindanao sa turismo.
“Iniimbitahan ko si Ms. Robles na dumalaw sa Basilan at personal na masaksihan ang laki ng pinagbago ng seguridad ng aming lalawigan. Nawa’y matulungan mo kami Ms. Robles na maisulong ang Basilan bilang isang progresibong lalawigan na malaya na sa kapit ng terorismo,” sabi ni Hataman.
“Sana ay makita ni Ms. Robles na ang plano ng DOT na mabuksan ang Mindanao sa turismo ay isang malaking kampanya na magbibigay ng kahulugan sa pagsisikap ng mga mamamayan tungo sa kapayapaan,”dagdag pa nito.
Ayon pa sa mambabatas, ang kabi-kabilang puna aniya ng mga netizen sa tweet ni Robles ay isang malaking hamon para patunayan na ligtas na ang Basilan sa anumang terrorist attack ng ASG.
“Gusto ko lang linawin: WALA NANG PANGIL ANG ASG SA BASILAN. At ito ay bunga ng maraming taon na pakikipagtulungan ng security forces, lokal na pamahalaan, komunidad at mga imam sa ilalim ng Program Against Violent Extremism na ating inilunsad maraming taon na ang nakakaraan,” giit nito.
“Ang mga mamamayan ng Basilan ay malaya nang nakakagalaw at nawala na ang takot na noon ay bumabalot sa aming lalawigan. Pinagtulungan namin kung anuman ang kapayapaan na tinatamasa naming mga Basileño ngayon,” sabi pa nito.
Sa katunayan aniya, ilang beses nang pabalik-balik ang mga matataas na opisyal ng pamahalaan sa Basilan at maging ang ilang laro ng MPBL ay naidaos dito.
“ Ilang beses na ding na-feature sa iba’t ibang website ang kagandahan ng mga dagat namin tulad na lamang ng Malamawi Beach na isa sa pinakamagandang beach sa buong bansa. Nais lang din natin idagdag na simula pa noong 2016, ZERO kidnappings na sa Basilan,” paliwanag ni Hataman.
Idinagdag pa nito na noong nakaraang buwan lamang ay naglabas na rin ng pahayag ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na wala nang impluwensiya ang ASG sa mga komunidad ng Basilan.
“We fought hard for the peace that we are enjoying now, at proud kaming mga Basileño sa achievement na ito. Sana ay makita ni Ms. Robles na ang plano ng DOT na mabuksan ang Mindanao sa turismo ay isang malaking kampanya na magbibigay ng kahulugan sa pagsisikap ng mga mamamayan tungo sa kapayapaan,” pahayag pa nito.
“Isang hakbang din ito upang lalong ma-isolate ang ASG at terorismo hindi lang sa aming lalawigan, pati na rin sa BARMM at Zamboanga peninsula. Sana ay kilalanin ng buong bansa ang pagsisikap ng lahat dito na matanggal ang stigma ng ASG,” paliwanag pa ni Hataman.
