
NI NOEL ABUEL
Sinuspende ng Office of the Ombudsman ang ilang matataas na opisyal ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) kaugnay ng kasong misconduct.
Sa tatlong pahinang kautusan na inilabas ni Ombudsman Samuel Martires na may petsang Hunyo 2 na ibinigay kay Executive Secretary Salvador Medialdea, inirekomenda nitong suspendehin ng anim na buwan sina ARTA director general Jeremiah Belgica, deputy director general Eduardo Bringas, division chief Sheryl Pura-Sumagui, at mga director na sina Jedrek Ng at Melamy Salvadora-Asperin.
“Thus, in order to secure the documents and to prevent possible harassment of witnesses and considering that their continued stay in office may prejudice the case filed against them, they are hereby placed under preventive suspension for a period of six months,” sa utos ng Ombudsman.
Nag-ugat ang kaso sa inihaing reklamo ng DITO Telecommunity Inc. laban sa nasabing mga ARTA executives kaugnay ng naging aksyon ng mga ito na paboran ang NOW Telecom Company Inc. sa distribusyon ng frequencies.
Ayon sa kumpanyang DITO, may karapatan ito na makakuha ng frequency assignments sa pamamagitan ng pagkilala dito bilang New Major Player (NMP) o third major player sa telecommunications industry ng bansa noong 2018.
Ngunit nagsampa ng kaso ang kumpanyang NOW sa ARTA noong Mayo 18, 2020 dahil sa hindi umano pagtugon ng National Telecommunications Commission (NTC) sa hiling nitong frequency assignments.
At noong Marso 1, 2021, naglabas ang ARTA ng resolusyon at ng Order of Automatic Approval na nag-aatas sa NTC na magtalaga ng contingent frequencies pabor sa NOW.
Kinuwestiyon ng NTC at DITO ang validity ng inilabas na direktiba ng of ARTA at tinukoy ang inilabas na opinyon ng kalihim ng Department of Justice (DOJ) sa OSJ Case No. 01-2020 na nililinaw na ang NTC proceedings ay quasi-judicial in character.
Naghain din ng kasong kriminal at administratibo ang DITO laban kay Belgica at sa iba pang ARTA officials dahil sa paglabag sa Section 3(e) ng RA 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Humingi rin ito ng imbestigasyon laban sa mga akusado sa kasong grave misconduct, gross neglect of duty, at conduct prejudicial to the best interest of the service.
“The evidence on record shows the guilt of respondents… is strong …which may warrant removal from the service,” sabi ng Ombudsman.
Inusisa rin ng anti-corruption agency ang Office of the Executive Secretary na ipaalam kung ano ang naging aksyon nito sa loob ng tatlong araw mula sa araw ng pagtanggap ng nasabing suspension order.
