Special exams sa mga bagong guro iniapela ni Sen. Imee Marcos

Ni NOEL ABUEL

Nanawagan si Senador Imee Marcos na bigyan ng mga special exams ang mga nakapagtapos ng kursong edukasyon na hinarang na makakuha ng licensure exam ngayong Hunyo at sa Setyembre.

Ayon kay Marcos, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, naantala ang nililikhang trabaho at pagkakakitaan ng mga  aspiranteng maging guro sa desisyon ng Professional Regulation Commission (PRC) na tanging ang mga degree holders lang noong 2020 o mas unang nakapagtapos bago ang 2020 ang pakukunin nila ng eksaminasyon.

“Hindi pinakinggan ang ating panawagan para sa isang ‘online version’ ng LEPT (Licensure Examinations for Professional Teachers) lampas isang taon na ang nakararaan, na nagbunga nitong nakalulungkot na resulta,” giit ni Marcos.

“Ngayon kailangang bilisan o agaran nang pakuhanin ng special exam ng PRC at Civil Service Commission ang mga nagsipagtapos noong 2021 at ngayong 2022, kaysa ihintay pa ito sa March 2023.

Dapat ding maisagawa na ang online version ng LEPT sa madaling panahon,” sabi pa ni Marcos.

Tinukoy at inihalimbawa ni Marcos ang Career Executive Service Board at iba pang mga  professional regulatory board na nagsasagawa na ng mga online exam na pwedeng gawing ‘template’ o gayahin ng LEPT.

Matatandaan na noong nakaraang taon, napilitang  idaos ang LEPT  sa maliliit na batch o grupo, ngunit sinabi ni Marcos na pwede o ubra na ngayon ang mga special exam sa harap ng lumuluwag nang mga restriksyon sa pandemya.

Babala pa ni Marcos, mas lalala lang ang mga backlog ng mga examinees kung hindi maisasagawa ang mga special exam sa taong ito at kung hindi pa nakakasa ang mga online na bersyon ng LEPT para sa mga magsisipagtapos sa 2023.

Leave a comment