Wage hikes sa 14 rehiyon ipatutupad ngayong buwan — DOLE

NI NERIO AGUAS

Ipinaalala ng Department of Labor and Employment (DOLE) na ngayong buwan ipapatupad ang dagdag pasahod sa mga manggagawa sa 14 na rehiyon sa buong bansa.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III ang wage orders ay umaabot sa pagitan ng P30 at P110.

Kasabay nito, pinasalamatan ni Bello ang wage boards sa agarang pagresolba sa inihaing petisyon para sa wage adjustments kung saan makikinabang hindi lang ang mga minimum wage earners kung hindi kasama rin ang mga domestic workers. 

Nabatid na unang ipinatupad ang wage hike na P33 sa National Capital Region (NCR) noong Hunyo 4 kung saan ang bagong minimum wage rate ay nasa P570 sa mga manggagawa sa non-agriculture sector at P533 naman sa agriculture sector. 

Samantala, sa Cordillera Administrative Region, ang P50-P60 pay hikes ay iimplementa sa dalawang bahagi sa Hunyo 14 kung saan ang bagong minimum wage sa rehiyon ay P380 at magiging P400 epektibo sa Enero 1, 2023.

Makakatanggap din ang mga Kasambahay ng dagdag sahod na P500 hanggang P1,500 at magiging P4,500 na ang minimum wage sa buong rehiyon.

Habang sa mga mangagawa naman sa Ilocos Region, ang bagong minimum wage rate ay magiging P400 na mula sa kasalukuyang P372 kung saan ang P60-P90 pay hike ay ipapatupad sa dalawang bahagi simula Enero 6.

Ang bagong minimum wage para sa domestic workers ay magiging P5,000 na sa nasabing rehiyon.  

Habang sa Cagayan Valley, bagong new minimum wage ay magiging P400-P420 na ipatutupad sa tatlong bahagi simula sa Hunyo 8 at ang kasambahay naman ay makakatanggap ng P1,000-pay hike na magiging P5,000 ang buwanang sahod.

Ang mga manggagawa naman sa Central Luzon ay makikinabang sa dagdag na P40-wage hike na ipapatupad sa dalawang bahagi kung saan ang magiging P414-P460 na ang bagong minimum wage habang sa Aurora province ay magiging P409 na ang minimum wage mula sa P344.  

At sa Calabarzon, ang bagong minimum wage na ipapatupad sa dalawang bahagi ay mula P390 ay magiging P470 na sa non-agriculture sector at P429 mula sa P350 ang sahod sa agriculture sector; habang ang P350 naman ay para sa retail at service establishments na may mahigit 10 manggagawa.

May wage hike din sa MIMAROPA workers, sa Bicol at sa Visayas region gayundin sa Region 7 at sa Mindanao; Davao Region; SOCCSKSARGEN; Caraga, Butuan City at sa probinsya ng Agusan del Norte, Agusan del Sur, Surigao del Sur, Dinagat Islands, Surigao del Norte, kasama ang Siargao Islands.

Leave a comment