Paglaban sa illegal drugs dapat ituloy ng Marcos administration – Sen. Go

Senador Christopher “Bong” Go

Ni NOEL ABUEL

Umaasa si Senador Christopher “Bong” Go na ipagpapatuloy ni President-elect Ferdinand Marcos Jr. ang paglaban sa mapaminsalang illegal na droga sa buong bansa at ang kurapsyon sa mga ahensya ng pamahalaan.

Ayon kay Go, vice chair ng Senate Committee on Public Order, personal na ipinagbilin aniya sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipagpatuloy ang paglaban sa illegal drugs, kurapsyon at kriminalidad.

“Isa sa mga ipinagbilin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa akin ay ang ipagpatuloy ang laban kontra sa ilegal na droga, pati na rin ang laban sa kurapsyon at kriminalidad. Umaasa tayo na sa pagpasok ng susunod na administrasyon ay mas mapapalakas pa ang kampanyang ito upang tuluyang mabigyan ng mas ligtas at komportableng buhay ang mga Pilipino,” sabi ng senador.

“Mahalaga na maipagpatuloy ang pagsugpo sa mga nasa likod ng ilegal na droga gaya nang ginagawa ng Administrasyong Duterte para masolusyunan din ang problema sa kriminalidad at katiwalian,” dagdag nito.

Paliwanag ni Go, dahil sa ginawang kampanya ng Duterte administration laban sa  bawal na gamot ay nabawasan ang bilang ng krimen na nangyayari sa bansa.

“Sa nakita ko kasi sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Duterte, kapag nako-contain mo ang paglaganap ng ilegal na droga, kasamang bumababa ang krimen at pati na rin ang korapsyon. Pero pag lumala na naman ang droga, kapag dumami muli ang mga gumagamit nito, bumabalik ang kriminalidad at nagiging talamak na naman ang korapsyon kasi marami ang nasusuhulan,” paliwanag nito.

Sa datos ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) mahigit sa 15,000 high-value drug targets ang nahuli at mahigit din sa P88 bilyong halaga ng illegal drugs kasama ang P76 bilyong halaga ng shabu ang nakumpiska.

Sinabi pa ni Go na nakahanda ito at si Pangulong Duterte na tumulong sa susunod na administrasyon sa abot na kanilang makakaya.

“Sa administrasyon ni President-elect Bongbong Marcos ay malaki ang magiging ambag ni Pangulong Duterte sa anumang kapasidad sa paglaban sa ilegal na droga. Alam naman ni Pangulong Duterte na hindi na niya panahon. Pero alam ko na hindi niya basta-basta maisasantabi ang kanyang pagmamahal at pagmamalasakit sa kapwa Pilipino,” ayon pa kay Go.

Leave a comment