
Ni NOEL ABUEL
Sa kabila ng patuloy na pagtaas na presyo ng pangunahing bilihin dahil sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo ay naniniwala pa rin ang isang kongresista na mapababa ni President-elect Ferdinand Marcos Jr. ang presyo ng bigas sa P20 kada kilo.
Ayon kay Magsasaka party list Rep. Argel Cabatbat, posible naman ito kung agarang mailalatag ang napapanahon at tamang mga programa para sa sektor ng agrikultura.
Para sa mambabatas, kailangang ipakita aniya ng pamahalaan na buo ang tiwala nito sa mga Pilipinong magsasaka sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng sapat na suporta.
Ani Cabatbat, dagdag na budget na hindi bababa sa P400 bilyon ang isa sa solusyon upang pasiglahing muli ang agrikultura.
Sa pondong ito, masisiguro ang mga pangunahing serbisyo at imprastraktura, at masasawata ang napakamahal na gastos sa produksyon mula pataba, irigasyon hanggang sa bentahan ng ani.
Inihalimbawa ni Cabatbat ang karanasan ng Thailand at Vietnam na kilalang rice-exporting countries kung saan todo-suporta ang mga gobyerno ng nasabing mga bansa pagdating sa budget at mekanisasyon ng pagsasaka kaya naman bumaba ang production cost at tumaas ang ani.
May hinala ang kongresista na maaari nang bumuo ng cartel ang Thailand at Vietnam dahil sa mataas na global demand sa bigas.
“Huwag nating pagdudahan ang kakayahan ng lokal na magbubukid na makapag-produce ng mura at de-kalidad na bigas. Kung buhos ang suporta, aayusin ang mga polisiya at maglalagay sa Department of Agriculture (DA) ng mga pinunong pro-farmer, posible ang bente pesos por kilo na bigas,” paliwanag ni Cabatbat.
Binanggit din ng mambabatas na may mga programang nagpatunay na posibleng pataasin ang kita ng mga magsasaka, habang pinabababa ang presyo ng bigas. at ito at ang “megafarm” concept ng Department of Agrarian Reform (DAR) Sec. Bernie Cruz, at ang Provincial Food Council ng Nueva Ecija ni Gov. Umali.
“Makikita natin na kung mapababa natin ang cost of production, mabawasan ang mga middleman, posible na kumita ang mga magsasaka at mababa naman ang presyo na ipapasa sa mga konsyumer; ito ay dahil hindi naman talaga magkalaban ang interes ng magsasaka at consumer,” dagdag ni Cabatbat.
Hiniling din ni Cabatbat ang muling pag-aaral sa Rice Tariffication Law at ang pagsusulong ng food sovereignty sa paliwanag na, masyado nang nakadepende umano ang Pilipinas sa imports, habang may kakayanan naman ang mga Pilipinong magsasaka na tugunan ang suplay ng pangunahing bilihin, at siguruhing may kasarinlan sa pagkain.
