Poe sa TNVS priority booking fee itigil na

Senador Grace Poe

NI NOEL ABUEL

Iginiit ng isang senador na hindi dapat namimili ng pasahero ang mga taxi at ng transport network vehicle service (TNVS) gayundin ang iba pang pampublikong transportasyon.

Ito ang sinabi ni Senador Grace Poe bilang tugon sa ulat na sobra-sobrang singil ng ilang transport network vehicle service (TNVS) at pang-iisnab ng pasahero.

“Mula sa kanilang pinagkakasyang kita, pilit na naglalaan ang marami nating kababayan ng pambayad sa mas maginhawang masasakyan para makarating ng matiwasay sa kanilang hanapbuhay. Obligasyon ng mga transport network vehicle service na ilatag ng malinaw ang bawat sinisingil nila sa mga pasahero at ipatupad ito nang makatarungan,” paliwanag ni Poe.

Aniya, walang lugar ang anumang hindi makatuwirang singil sa publiko na patuloy na nagigipit sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at produktong petrolyo.

Kasabay, nito pinakilos ng senador ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na umaksyon at gawin ang trabaho ng mga ito.

“Kailangang manindigan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board laban sa anumang iligal na priority booking fee, kung saan maaaring pumili ng pasaherong makapagbibigay ng mas malaking bayad–kaysa ibang hindi na kaya pang magdagdag ng anumang halaga,” sabi ng senador.

“Inaasahan rin nating mabilis na kikilos ang ahensya para matiyak na hindi na mabibiktima ang ating mga kababayan ng anumang mapang-abusong mekanismo. Kailanman, ang interes ng ating mga komyuter ay hindi dapat maisantabi sa operasyon ng pampublikong transportasyon,” dagdag pa nito.

Leave a comment