
NI NOEL ABUEL
Iginiit ni Senador Win Gatchalian sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na magsagawa ng malawakang paglilinis sa hanay ng mga opisyal at tauhan ng ahensya na nangingikil hindi lamang sa malalaking korporasyon kundi maging sa maliliit na negosyante.
“Marami sa ating mga maliliit na negosyante ay kinikikilan ng ilang hindi matitinong kawani ng gobyerno. Hindi ko nilalahat pero alam naman natin na meron tayong mga BIR officials na nangha-harass o tinataas ‘yung tax assessment para makahingi sila ng pera kapag nakiusap na babaan ang tax assessment. Ito muna ang unahin natin, yung sugpuin iyong ganitong korapsyon,” sabi ni Gatchalian.
Sa halip aniyang magpataw ng mga bagong buwis para pondohan ang mga serbisyo at tugunan ang utang ng bansa na umabot na sa P12.763 trilyon nitong Abril, ipinanawagan din ng senador na sugpuin ang mga tiwaling opisyal at empleyado ng iba pang revenue collection agencies nang sa gayon ay mahinto na ang mga katiwalian sa gobyerno at masiguro ang pagkakaroon ng mas maayos at mahusay na koleksyon ng buwis.
Pinuna ni Gatchalian ang mga napaulat na mga kaso ng pangingikil kamakailan na kinasangkutan ng mga tauhan ng BIR sa Ilocos Sur, Dipolog City at Zamboanga City pati na rin sa balitang “pabaon” para sa ilang magreretirong opisyal ng ahensya.
“Bago natin pag-usapan na taasan ang buwis o taasan ang mga singilin, dapat sugpuin muna natin ang kurapsyon dahil ang makikinabang lang dyan ay ‘yung mga corrupt officials na tinataas naman ang mga pekeng assessments nila,” sabi pa ng senador.
“Dapat tuluy-tuloy lang ang laban natin sa kurapsyon hanggang sa maayos ang sistema,” dagdag pa nito.
Nanindigan si Gatchalian na kailangang paigtingin ang internal cleansing sa burukrasya upang hindi madamay ang mga matitinong kawani sa mga tauhang gumagawa ng kabulastugan.
Hindi na aniya bago ito dahil nagsagawa na ang BIR ng ganitong kampanya sa pagsisimula ng administrasyong Duterte na nagresulta sa pagbibitiw sa pwesto at maagang pagreretiro ng daan-daang empleyado ng BIR.
Ang pagbaha ng pagsusumite ng resignation ang naging tugon ng mga tauhan ng ahensya na idinadawit sa mga kasong katiwalian.
