
NI NERIO AGUAS
Iniutos ng liderato ng Bureau of Immigration (BI) ang lahat ng tauhan nito na nakatalaga sa mga international airports na mahigpit na bantayan ang mga Filipinos na pupunta sa bansang Japan bilang bahagi ng kampanya ng ahensya laban sa human trafficking.
Sa inilabas na memorandum ni Immigration Commissioner Jaime Morente, inatasan nito ang mga immigration inspectors sa mga pantalan at paliparan na maging alerto sa mga Filipino passengers na patungo sa Japan.
Partikular na inatasan ni Morente ang mga BI personnel na masusing siyasatin ang mga dokumentong isusumite ng bawat Filipino tulad ng intra-company transferee, short-term visitor, student, at engineer specialist.
Sinabi pa ng BI chief na may mga ulat na natanggap ito na ilang tiwaling recruiters ang nagsasamantala sa panuntunang pinatutupad ng pamahalaan sa dokumentasyon at deployment ng mga Filipino workers sa Japan.
Paliwanag ni Morente, ikinakatwiran ng mga recruiters na ang mga Japan-bound Filipino passenger ay exempted sa overseas employment certificate (OEC).
Sinabi pa ni Morente na ang ilang pasahero ang nagsasabing ang pagtungo ng mga ito sa Japan ay para mamasyal sa loob ng maikling panahon ngunit ang katotohanan aniya ay magtatrabaho sa nasabing bansa.
“This emerging trend exposes these travelers to the dangers of trafficking in persons and illegal recruitment which the BI is mandated to prevent,” ani Morente.
Sinabi naman ni Atty. Carlos Capulong, BI port operations chief, na ipinakalat na nito ang memorandum ni Morente at inatasan ang lahat ng immigration inspectors na nakatalaga sa iba’t ibang pantalan at paliparan na maging alerto sa mga Japan-bound travelers.
“We have instructed them that if the declared purpose of travel of a passenger is doubtful, the latter should be referred to for secondary inspection to our travel control and enforcement unit,” sabi ni Capulong.
