P10 minumum fare aprubado na ng LTFRB

Ni JV SULLIVAN

Inaprubahan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kahilingan ng mga jeepneys drivers na dagdag na P1.00 ng pamasahe sa National Capital Region (NCR) at sa iba pang bahagi ng bansa.

Ang nasabing fare hike ay para lamang sa mga jeepneys na bumabiyahe sa Metro Manila, Central Luzon, Cavite-Laguna-Batangas-Rizal-Quezon (Calabarzon), at Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan (Mimaropa) simula ngayong araw ng Huwebes.

Dahil dito, mula P9.00 na minimum fare sa kada apat na kilometro ay magiging P10 na ang provisional increase habang wala ng sisingilin na taas sa mga susunod na kilometro.

Nilinaw naman ng LTFRB sa mga public utility jeepneys sa naturang mga rehiyon na dapat maglagay ang mga ito ng ng “notice of provisional fare increase” sa loob ng kanilang PUJ.

Ang desisyon ng LTFRB na taas pasahe ay kasunod na rin ng walang humpay na patuloy na pagtaas sa presyo ng diesel at gasolina sa buong bansa.

Nabatid na una nang ibinasura ng Board noong buwan ng Abril ang hiling na dagdag pasahe ng transport groups at naghain ng motion for reconsideration.

Paliwanag ng mga transport groups, taong 2018 nang maglabas ang LTFRB ng desisyon na gawing P10 na ang minimum fare nang umakyat sa P40 kada litro ang krudo ngunit pumayag ang mga driver na muling ibinalik sa P9 ang pamasahe makalipas ang ilang buwan dahil sa pagbaba rin ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Ngunit sa kasalukuyang sitwasyon na halos doble na ang itinaas sa presyuhan ng krudo, kaya patuloy na inihihirit ng ilang transport group na dagdag na pasahe.

Mula noong buwan ng Enero ng taong kasalukuyan nasa kabuuang halos P58 na ang itinaas ng krudo hanggang nitong linggo habang sa gasolina naman ay mahigit na sa P38 ang oil price increase sa loob ng halos limang buwan.                

Samantala, ang LTFRB ay muling magsasagawa ng final hearing bago matapos ang buwan na ito kaugnay naman sa isang hiwalay na petition na humihiling ng P6 na dagdag na pasahe.

Leave a comment